5,000 kabahayan ng mga dating sundalo gigibain

TINATAYANG aabot sa 5,000 kabahayan ng mga maralitang sundalo sa Katipunan Village, Barangay Western Bicutan ang puwersahang gigibain ng Task Force Bantay sa ilalim ng pamumuno ng isang opisyal ng Philippine Army na nagngangalang Col. Marcial O. Constante.

Ito ay ayon kay retired 2nd Lt. Pacifico M. Ariola Jr., Pangulo ng Katipunan Village CIU Neighborhood Association Incorporated, nitong Miyerkules ng tanghali, Hunyo 1.

“Nakamit namin ang lupa sa bisa ng revocable permit na ipinalabas noong 1992 ng dati naming Commanding General na si Guillermo Flores at noong Mayo 20, 2001 hayagan na ipinagkaloob din ito sa amin ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, pero ngayon nabaliktad ang pangyayari ginagawa kaming busabos ni Col. Constante na basta na lamang kaming palalayasin at wawasakin ang mga bahay namin dito .” pahayag ni Ariola.

Sinabi ng dating tinyente ng mga sundalo na wala aniyang karapatan ang Task Force Group Bantay na gumawa ng marahas na hakbang na taliwas sa karapatang pantao at maging sa binitawang covenant ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga mamamayan na “no demolition policy.”

“Dati kaming mga sundalo hindi kami duwag para hindi lumaban sa panig ng katwiran. Kaya inilalagay namin sa legal ang usapin para malaman kung kanino nakapanig ang batas,” ani Ariola. 

Nagsimulang umiral ang tensiyon sa magkabilang panig ng puwersahan anilang pangunahan ni Constante ang pagpapagiba ng kabahayan doon sa Western Bicutan na nasasakop umano ng Libingan ng mga Bayani.

Sa pagpapairal ng karahasan, naging dahilan umano ng mga militar ang Presidential Proclamation 208 na nilikha ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1967.

Bagamat sinasabing nalikha ang Proclamation 208, hindi naman matukoy ng Task Force Group Bantay ang technical description ng Libingan ng mga Bayani na naging dahilan upang gumawa ng hakbang ang Katipunan Villagers na palitawin ang katotohanan sa pamamagitan ng pitong-pahinang Executive Summary na nilagdaan at pinagtibay ng testigong si Danilo G. Lim.

Sinabi ni Lim na ang technical description na isinasaad sa Proclamation 208 ay ginawa ng walang actual na survey sa lupa dahil noong mga panahong iyon ang sinasabing lugar ay bakante hanggang sa dumating ang panahon na iyon ay nagkaroon ng maraming pagbabago sa bisa ng bagong Proclamation 2476.

“It is deemed that the military and historical commission as well, has no more right of jurisdiction over the remaining area outside of the already defined area of the Libingan ng mga Bayani since as early as 1986, pursuant to LOI 1258, the said area has been evaluated suitable for other purposes, culminating in the issuance of Proclamation 2476,” ani Lim sa kanyang summary na isinumite sa korte.

Habang dinidinig ang usaping sibil sa hukuman, marami ang nagtataka sa ginagawang hakbang ni Constante na labag sa panuntunan ng Commission on Human Rights at lantarang paghamon sa media.

“Walang naman siyang maipakitang demolition order sa amin basta na lamang silang papasok dito at sisirain ang aming pamamahay. Ipinangangalandakan din nila na isang bala lang daw ang media kapag ipinarating namin sa kanila ang problema naming,” pahayag ng mga villagers doon.

Dahil sa pangyayaring ito ipinarating na ng mga retired army officers kay Pangulong Aquino noong Mayo 19 ang kanilang kahilingan ng agarang pagbaha-bahagi ng 17.9 hectares government owned lot sa Western Bicutan.

Sinabi pa ng mga homeowners doon na nakahanda silang pumaloob sa memorandum of agreement na ibibigay ng pamahalaan sa ilalim ng proyektong pabahay nito.

Ipinarating na rin ng mga retiradong sundalo kay Taguig Mayor Laarni L. Cayetano ang hangarin nito na magkaroon ng tax declaration ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay. PP Corpus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply