K+12 ng DepEd kakalkalin ni Trillanes

KAKALKALIN ni Sen. Antonio Trillanes IV ang K+12 program ng Department of Education (DepEd) na naglalayong pahabain ang pangunahing edukasyon mula sa dating 10 taon, gagawin itong 13, dahil dagdag pasanin umano ito sa mahihirap.

Paniniwala ni Trillanes, masyadong magastos at mapanganib ang eksperimento ng DepEd na siyang magpapalala sa problemang kinahaharap ng sektor ng edukasyon tulad ng malalang kakapusan ng guro at silid-aralan.

“Ayon mismo sa DepEd, mayroong matinding kakulangan sa ating elementary at high school teachers na tinatayang lampas pa sa 103,000 at 27,000 na kindergarten teachers at halos 90,000 naman ang kakulangan sa ating mga silid-aralan,” ayon kay Trillanes.

Tinatanong din ni Trillanes kung bakit patuloy na isinusulong DepEd ang sistema na magpapalala ng mga nabanggit na kakulangan sa mga guro at mga silid-aralan.

Ayon sa senador, dapat ayusin muna ang problema sa matinding kakulangan sa guro at silid-aralan bago mag-isip ang DepEd na dagdagan ang taon sa pag-aaral ng mga estudyante.

Sinabi nir Trillanes, karamihan sa mga public schools sa National Capital Region ay mayroong 76 hanggang 79 estudyante – napakalayo sa ideal ratio na 45 na estudyante sa bawat silid-aralan.

Idinagdag pa ni Trillanes, ang average class size na 56 ng Pilipinas sa mga high school ay masyadong siksikan kung ikukumpara sa mga kalapit na bansa tulad ng Malaysia na mayroon lamang 34 na average class size, at South Korea na may 35.1 at Thailand na 41.5.

Inihalimbawa niya ang sitwasyon sa Batasan National High School na mayroong tatlong shifts ng klase araw-araw. Ang mga estudyante dito ay pumapasok ng 5:30 ng umaga at umuuwi na ng 7:20 ng gabi sa tatlong shift.

“Kung ating ipapatupad ang programa ng DepEd na K+12 at magdadagdag tayo ng 2 taon pa, tayo ba ay magdadagdag ng ika-4 na shift? Papasukin ba natin ang mga estudyante ng mas maaga, bandang alas-tres ng umaga? O pauuwiin ba natin sila ng hating-gabi? Lalo ba nating ipagsisiksikan ang mga estudyante hanggang umabot sila 150 kada classroom?” tanong ni Trillanes.

Ayon pa kay Trillanes, ang naturang programa ay dagdag gastos hindi lamang sa pamahalaan kundi lalo na sa mga magulang ng mga mag-aaral.

“Ang mga magulang na nagsisikap na pagkasyahin ang kakarampot nilang kinikita ay sila ring mga magulang na papasan ng bigat ng pagtaas ng mga gastusin hindi lamang sa gastos sa edukasyon kundi sa halos lahat ng bagay gaya ng sa presyo ng pagkain, tubig at kuryente; krudo at LPG,” dagdag pa ni Trillanes.

Nagbabala rin si Trillanes na ang programang K+12 ay maaaring magreresulta lamang sa mas maraming drop-outs lalo  na at may pag-aaral na sa bawat 100 estudyante na pumapasok sa Grade One, 43 sa mga ito ang nakatatapos ng high school at halos 14 lamang ang gumagradweyt ng kolehiyo sa ilalim ng kasalukuyang sistema ng basic education sa bansa.

Sinabi ni Trillanes na kung ating isasaalang-alang ang kasalukuyang estado ng ekonomiya at kabuhayan, lalo lamang tataas ang drop-out rate kung ipapatupad ang programang K+12.

Pinabulaanan din ni Trillanes ang sinasabi ng DepEd na ang naturang programa ang magpapabuti sa kalidad ng edukasyon sa bansa at ang solusyon sa kawalan ng trabaho sa mga kabataan.

Anang senador, base sa pag-aaral na ginawa kamakailan nina former Education Deputy Minister Abraham Felipe at ni Dr. Carolina Porio, “walang kaugnayan ang bilang ng taon ng pag-aaral sa pangkalahatang kalidad ng edukasyon.”

Inihalimbawa ni Trillanes ang mga estudyante sa Singapore na nanguna sa sinagawang pag-aaral ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) na nagsusuri sa sistema na edukasyon sa 50 bansa. Ang Singapore at Pilipinas ay parehas ang haba ng high school cycle.

Sa kabilang banda, sinabi ni Trillanes, ang mga bansa na may mas mahabang high school cycle kaysa sa Pilipinas kagaya ng South Africa, Chile, Palestine, Morocco at Saudi Arabia ay nabibilang sa mga low-performing high school students.

Inihayag ni Trillanes, kaduda-duda din ang argumento na ang isang 18-year old na magtatapos sa ilalim ng  programa ng K+12 ay magiging “employable” kahit walang college degree.

“Kung ang libu-libong mga estudyanteng nagsipagtapos ng kolehiyo ay hindi makahanap ng trabaho, paano naisip ng DepEd na kaya nilang resolbahin ang unemployment sa pamamagitan ng mga umanoy ‘employable’ high school graduates?” ani Trillanes.

Sinabi pa ni Trillanes wala namang maliwanag na pakinabang ang naturang programa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply