Pulis, force multipliers ipakakalat sa paaralan

AABOT sa 5,750 tauhan ng pulisya at mga katuwang na “force multipliers” ang ipapakalat sa 1,063 mga paaralan sa buong Metro Manila upang magbigay ng seguridad sa pagbubukas ng klase sa Lunes, Hunyo 6.

Binisita at pinulong ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) director, Chief Supt. Allan Purisima ang bawat police district, na inumpisahan sa Manila Police District, hinggil sa pagpapaigting ng seguridad sa mga paaralan sa pasukan.

Kabilang sa mahigpit na pinababantayan ni Purisima ang posibleng operasyon ng mga tulak ng iligal na droga na ang target ay mga mag-aaral, mga holdaper, snatcher at posibleng pag-atake ng mga kidnaper sa mga ekslusibong paaralan.

Inutos ni Purisima sa limang district director ang pagtatatag ng police patrol sa mga paaralan habang nagbabala na papatawan ng karampatang parusa ang mga pulis na magpapabaya sa kanilang tungkulin.

Sinabi ni Sr. Supt. Billy Beltran na 3,305 force multipliers tulad ng mga barangay tanod, radio communication groups, non-governmental organizations (NGOs) at volunteers ang makakatulong sa pagbabantay ng 2,445 pulis ng NCRPO.

Inutos din kamakailan ni Purisima ang paglilinis sa mga bisinidad ng mga paaralan sa mga iligal na sugal tulad ng video karera, bookies sa karera ng kabayo, video games, at maging ang iligal vendors.

Maaaring tumawag o mag-text sa kanilang “Subukan Nyo Po Kami” hotline number na 0915-8888181 at 0999-9018181 para sa anumang reklamo, suhestiyon at katanungan na may kaugnayan sa seguridad sa pagbubukas ng klase.

Ikakabit nila ang mga sticker ng naturang hotline sa bisinidad ng mga paaralan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply