Food-for-work, cash-for-work inilunsad ng DSWD

INILUNSAD ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang programang food-for-work at cash-for-work sa libu-libong mga pamilyang apektado ng mga pagbaha sa Cotobato City.

Sinabi ni DSWD Secretary Corazon “Dinky” Soliman ipatutupad ng ahensiya ang nasabing programa laan para matulungan ang mga sinalanta ng pagbaha sanhi ng tuluy-tuloy na pagbuhos ng malakas na ulan na nagresulta sa malawakang pagbaha sa malaking bahagi ng rehiyon.

Ayon kay Soliman, simulang ipatutupad ng ahensiya ang food-for-work at cash-for-work sa sandaling bumaba na ang tubig-baha para may mapagkakakitaan at matulungang makapagsimula ang mga biktima ng kalamidad.

Sa ilalim ng food-for-work at cash-for-work, tatanggap ng bigas at de lata ang magtatrabaho at tutulong sa pagsasaayos ng kanilang nasirang tirahan at kabayaran katumbas ng arawang sahod sa isang partikular na lugar na magtatrabaho sa paglilinis tulad ng pagtatanggal sa mga basura at water hyacinth sa komunidad sa loob ng 10 araw.

Kasabay nito, tiniyak ni Soliman ang patuloy na pamamahagi ng relief assistance sa mga biktima ng pagbaha alinsunod sa kautusan ni Pangulong Benigno Aquino III na tutukan ang mga pangangailangan hindi lamang ng mga biktimang nasa evacuation centers kundi maging mga nananatili sa kani-kanilang mga tahanan o home-based.

Iniulat ni Soliman na naglaan ang ahensiya ng P22.7M standby fund para magagamit kung magpapatuloy at tatagal ang kalamidad maliban sa nauna nang ini-release at ginagamit sa relief operations ng DSWD na nagkakahalaga ng P12.12 million.

Sa talaan ng DSWD, umaabot sa 70,169 ang bilang ng pamilyang apektado ng pagbaha sa Central Mindanao at mahigit 88 libo ang sa lalawigan ng Maguindanao

Sa ngayon, unti-unti nang bumababa ang tubig-baha sa maraming barangay sa Cotabato City at mga karatig lugar dahil sa paghupa ng ulan at sa pagkakatanggal ng kilo-kilometrong naipong water hyacinth sa Rio Grande de Mindanao na inanod mula Liguasan Marsh. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply