7 fish cage pa ang naapektuhan ng fishkill

NAAPEKTUHAN na rin ang pitong fish cages sa iba’t ibang barangay bunga ng pagkamatay ng mga isda sa Lawa ng Taal sa Batangas.

Ayon sa ulat na nakalap kaninang umaga, lalo pang lumalawak ang sakop ng nararanasang fishkill sa Taal Lake dahil umabot na sa ilan pang mga barangay ang pagkakahawa ng mga isda.

Sinabi ni Barangay Mataas na Kahoy, Lumang Lipa Chairman Sioli Manalo na kaninang madaling-araw ay naapektuhan na rin ng fishkill ang nasa pitong fish cages sa kanilang lugar na may tinatayang 10 tonelada ng tilapia ang nagkakasakit.

Nagkulay putik aniya ang tubig sa Taal Lake na sakop ng kanilang barangay kaya agad pumunta sa kanilang lugar ang mga municipal agriculturist para suriin ang insidente.

Sinabi naman ni Barangay Calumayin, Batangas Chairman Eddie Mercado na nakaranas din sila ng fishkill sa kanilang lugar.

Nagulat na lamang aniya sila kaninang umaga nang makitang nakalutang ang mga patay na tilapia sa bahagi ng Taal Lake na sakop ng kanilang lugar.

May naglutangan din aniya na iba pang lamang-dagat sa open area ng Taal Lake tulad ng muang, pauto, bia, hipon, apta, kataba, ayungin, gulo at tawilis.

Bukod sa Barangay Calumayin, naglutangan din ang mga patay sa isda sa bahagi ng lawa na sakop naman ng Barangay Tagbakin, Lipa City.

Inihayag naman ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Assistant Director Atty. Asis Perez na kumuha na sila ng sample ng tubig sa lugar para matiyak ang sanhi ng fishkill.

Samantala, ilang tindera ng bangus sa Balintawak market ang nagpasyang tumigil na muna sa pagbebenta ng naturang isda matapos ang nangyaring fishkill sa Taal Lake at ang sunod-sunod na pagkakakumpiska ng mga botchang bangus sa iba’t ibang palengke sa Metro Manila.

Ayon sa ilang tindera sa Balintawak, mainam na huwag na muna silang magtinda kaysa naman sa malugi dahil sa sobrang tumal ng bentahan ng bangus.

Karamihan sa mga mamimili ay hindi na bumibili ng bangus kahit pa sariwa ang mga ito dahil sa hinalang double dead ang mga ito.

Nagpasya na lamang ang mga naturang tindera na magbenta na lamang ng ibang uri ng isda tulad ng galunggong at tambakol.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply