Abusadong gobernador; walang away sa pagitan nina Pasay City Mayor Calixto at Col. Cuaton

HINDI dapat palagpasin ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo ang ginawang pang-aabuso ni Kalinga Governor Jocel Baac sa radio broadcaster na si Jerome Tabanganay, ng dzRK-Radyo ng Bayan.

Sa video stream na ipinakita sa YouTube, kitang-kita kung paano nilusob ni Gov. Baac sa loob ng announcer’s booth si Tabanganay ilang minuto bago ito mag-sign off sa kanyang programa sa nasabing himpilan ng radyo.

Sa naturang video, huli sa camera si Gov. Baac nang hablutin nito ang mikropono mula kay Tabanganay habang pilit na inaawat ito ng mga kasamahang bodyguards.

Mukhang hindi pa nasiyahan si Gov at hinataw pa sa bibig si Tabanganay ng mikropono bago tuluyang nagpaawat sa kanyang mga alipores. Tsk, tsk, tsk!

Mabuti na lamang at may webcam sa loob ng booth at nakunan ang buong insidente. Dahil kung hindi ay tiyak na mababaon na lang sa limo tang pangyayaring ito.

Pagkakasangkot diumano ng nasabing gubernador sa paglago ng jueteng at walang humpay na operasyon ng illegal logging sa Kalinga Apayao ang dahilan kung bakit ayaw siyang tantanan ni Tabanganay sa pagbatikos araw-araw.

Tila may mensahe ang ginawang insidente ng gubernador – walang local media na pupuwedeng umupak sa kanya habang siya ay nasa puwesto.

Hindi pa tiyak kung may katotohanan na pinagbantaan pa umano ng gubernador si Tabanganay na “patatahimikin” niya ang broadcaster sa pagbatikos sa kanya!

Para sa akin, hindi dapat palagpasin ang kasong ito. Nagsampa na ng kaukulang kaso kamakalawa si Tabanganay laban kay Governor Baac.

Abangan natin kung ano ang magiging situwasyon sa Kalinga Apayao sa mga susunod na araw!

* * *

Kumpletos rekados na raw itong si PO3 JOJO C., ang sikat na bagman at kulektor sa mga iligalista sa Camanava area (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) ng bagong director ng Northern Police District Office (NPDO) na si Chief Supt. Antonio Decano.

‘Yan ang sumbong sa atin ng mga katoto natin diyan sa NPDO.

Ibig nilang sabihin, panay na raw ang pasok ng grasya sa bulsa nitong si PO3 Jojo C. dahil sa ginagawang pambubukol sa kanyang amo. He, he, he! ‘Yan ay sa kabila ng  katotohanan na hilong-hilo daw itong si Jojo C. sa kaiikot sa mga sugalan at bahay-aliwan sa Camanava area.

At dahil nga daw dito kay PO3 Jojo C. ay tila piyesta naman daw sa paghakot ng pera mula sa iligal na operasyon ang mga gambling lords na sina Tony “Bolok” Santos, Danny Kamote at Tony Galgana na pawang nagpapatakbo ng jueteng sa buong Camanava area; si Rey Recto na patuloy pa ring nagpapakalat ng kanyang mga video karera machines gayundin ang pasaklang-patay nitong sina Len at Lucy Santos.

Sona-libre ang CAMANAVA area pagdating sa iligal na sugal. Ano naman kaya ang masasabi tungkol dito ni NCRPO Chief, General Alan

Purisima na aniya’y ayaw niya ng illegal gambling operations saan mang dako sa buong Metro Manila?

* * *

Tigil ang lahat ng iligal na sugal sa Pasay City. Dahil ito sa ipinakikitang political will nina Pasay City Mayor Tony Calixto at ang hepe ng lokal na pulisya na si Senior Supt. Napoleon Cuaton.

Ayon sa dalawa, kung hindi kaya ng ibang lungsod na ipatigil ang sugal sa kanilang lugar, sa Pasay ay madali lang basta nagtutulungan ang lokal na pamahalaan at ang pulisya.

Hindi totoo na may alitan ang dalawa gaya ng mga napapaulat sa ibang mga pahayagan.

Ayon kay Col. Cuaton, si Mayor Calixto pa rin ang kanyang sinusunod bilang mayor ng lungsod at wala ng iba pa. Natural lamang aniya na gumawa siya ng hakbang alinsunod sa kagustuhan ng butihing alkalde.

Kung meron man na nagpapakalat na may alitan sina Mayor Calixto at Col. Cuaton, ito marahil ang mga taong may lihim na pansariling interes.

‘Yun bang tipong gustong magkamal ng marami di baleng masira niya ang magandang relasyon nina  Mayor Calixto at Col. Cuaton!

Abangan n’yo pa sa susunod!

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply