AIPA caucus pormal na binuksan sa Kamara

PORMAL na pinamunuan ni Speaker Feliciano Belmonte, Jr. ang pagbubukas ng ikatlong Asean Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) caucus sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Tatalakayin dito ang mga usapin hinggil sa sama-samang pagtugon sa pandaigdigang kalamidad at ang mga programa na tutugon sa pangangalaga ng mga kabataan.

“Dalawang mabibigat na suliranin ang kinakaharap ngayon ng mga nagsanib-pwersang mga bansa ng Asean sa panahong ito, at ito ay ang pagtugon sa kalamidad at ang kabutihan ng mga kabataan,” pagdedeklara ni Speaker Belmonte sa panimula niyang mensahe sa mga delegado ng AIPA na kinabibilangan ng mga bansang Brunei Darussalam, Kingdom of Cambodia, Republic of Indonesia, Malaysia at Singapore, Kingdom of Thailand at Socialist Republic of Vietnam.

Inaasahan ni Belmonte na sa mga susunod na araw ay masusing tatalakayin sa caucus ang mga kalamidad na sinapit ng mga bansa sa Asia, “tulad ng nangyari sa bansang Japan na nakaranas ng matinding pagkawasak dulot ng tsunami. Tatalakayin ng AIPA kung papaano magtutulong-tulong ang mga bansa upang kagyat na matugunan ang mga natural na pandaigdigang kalamidad tulad ng pagbaha, lindol, bagyo, sunog sa kagubatan, iba’t ibang sakit at epidemiya, na walang pinipiling lugar, maging ang iba pang matitinding kaganapan sanhi ng pagbabago ng klima at panahon tulad ng global warming.”

Idinagdag ni Belmonte na tatalakayin din sa caucus ang kabutihan para sa mga kabataan. “Dalawandaang libong kababaihan at kabataan sa Timog-Silangang Asia ang nagiging biktima ng trafficking at marami sa kanila ang naiipit sa iba’t-ibang uri ng krimen at pag-aaway-away sa rehiyon.”

Ang delegasyon ng Pilipinas ay pinamumunuan ni Zambales Rep. Antonio Diaz at kinabibilangan nina Reps. Ma. Isabelle Climaco, Al Francis Bichara, Ma. Zenaida Angping, Mylene Garcia-Albano, Romero Federico-Quimbo, Rachel Martguerite del Mar at Atty. Rosario Sagadal bilang Kalihim ng delegasyon.

Ang AIPA secretariat naman na nakabase sa Jakarta, Indonesia ay pinamumunuan ngayon ni AIPA Secretary General at dating mambabatas mula sa Cebu na si Rep. Antonio Cuenco. Beth Aragon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply