Alert level 3 itinaas sa Marikina River

UMABOT na sa third level ang alarma sa Marikina River at pinaghahanda na ang mga residente para sa madaliang paglilikas ng mga ito.

Ayon kay Marikina City Mayor Del De Guzman, magsasagawa na sila ng forced evacuation dahil umabot na sa 17 meters ang water level sa ilog.

Kabilang sa mga mahigpit na binabantayan ng pamahalaang lungsod ay ang sitwasyon ng mga residente sa mga barangay ng Sto. Niño, Nangka, Malanday at Tumana na nagmistulang dagat noong panahon ng kasagsagan ng bagyong Ondoy.

Sa ngayon ay nasa 2,000 pamilya o 9,000 katao na ang naapektuhan ng pag-ulan at mataas na tubig baha sa nasabing lungsod.

Ang mga ito ay kasalukuyang nanganganlong sa anim na evacuation centers doon. Kaugnay nito umapaw na rin  ang La Mesa Dam na nasa lungsod ng Quezon.

Ayon kay kay Max Peralta, Assistant Weather Service Chief ng Hydrometeorological Division ng PAGASA, nagsimulang umapaw ang tubig sa nasabing water reservoir na umabot ang current elevation nito sa 80.24 cubic meters per second.

Una rito, itinaas na ang alerto sa nabanggit na dam dahil na rin sa malakas na pagbuhos ng ulan.

Bukod dito, kinumpirma rin ni Peralta na nagpakawala na rin ng tubig ang Ipo Dam sa Bulacan dahil sa labis na tubig na naipon sa kanilang reservoir na nasa 100.71 cubic meters per second.

Maging ang iba pang dam ay binabantayan na rin dahil sa maaaring panganib na idulot nito sa mga naninirahan malapit sa daanan ng tubig. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply