ARMM postponement bill, lagda na lang ni PNoy ang kulang

HINIHINTAY na lamang ang lagda ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III upang tuluyan nang mapagtibay ang panukalang pagpapaliban ng halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Niratipikahan na rin Martes ng gabi ng Kamara de Representantes ang ARMM election postponement bill na unang ipinasa ng Senado sa botong 13-7.

Lumusot sa Kamara ang postponement ng ARMM elections sa pamamagitan ng palakasan ng sigaw.

Ito ang ginawang basehan ng mababang kapulungan ng Kongreso para piliin kung pabor ba ang mga mambabatas o hindi sa pagpapatigil ng eleksyon.

Dahil dito, walang eksaktong bilang ng mga mambabatas ang pumabor o tumutol sa naturang isyu.

Sinabi ni Speaker Feliciano Belmonte na wala namang “drastic changes” sa ipinasang panukala kaya inaasahan na kaagad itong maipapasa sa Malakanyang para sa pirma ni Pangulong Aquino.

Samantala, inihahanda na umano ng grupo ng mga abogadong Muslim ang ihahaing petisyon sa Supreme Court (SC), para kuwestyunin ang panukalang pagpapaliban sa lokal na halalan.

Ayon kay dating Cotabato Judge Kader Indar, labis umanong tinututulan ng mga nagpetisyon ang kapangyarihan ng Pangulo na magtalaga ng mga officers-in-charge sa lalawigan habang hindi pa naghahalalan.

Maging si Maguindanao Rep. Simeon Datumanong ay naghayag din ng pagsuporta sa gagawing pagkuwestyon ng legalidad ng nasabing panukala sa Korte Suprema.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply