Ashtrays sa gov’t offices ipinaalis ng CSC

IPINAAALIS ng Civil Service Commission (CSC) sa mga tanggapan ng gobyerno ang lahat ng ashtrays o anumang tapunan ng sigarilyo na nakalagay sa itinakdang non-smoking areas.

Kasabay ng kautusang nabanggit, inilatag din ng CSC ang polisiyang bawal manigarilyo sa lahat ng sasakyan na pag-aari ng gobyerno.

Ayon kay CSC Chairman Francisco Duque, ang hakbang na ito ay bahagi ng kanilang mandato na tiyaking maayos ang kalusugan ng lahat ng kawani ng pamahalaan.

Gusto rin ng ahensiya na maging magandang ehemplo sa publiko ang mga taong nasa burukrasya.

Maliban dito, pinahigpit pa ng CSC ang implementasyon ng Circular Number 17 na nag-aatas na magkaroon ng ganap na pagbabawal sa paninigarilyo sa lahat ng opisina ng gobyerno na ang tungkulin ay may kaugnayan sa pangangalaga sa kalusugan at edukasyon.

Kasama sa mga tanggapang ito ang mga ospital, health clinics, mga unibersidad at kolehiyo.

Bawal din ang paninigarilyo sa ibang tanggapan ng gobyerno maliban na lamang sa mga bukas na lugar o open space.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply