Babaeng parak nasalisihan ng kawatan

NASALISIHAN ng matinik na magnanakaw ang isang babaeng pulis matapos sungkutin ang shoulder bag nito na nakasabit sa kanyang kuwarto sa San Fernando, La Union, Sabado ng umaga, Hunyo 18.

Nakilala ang biktima na si P03 Laila Maricris Arellano, 36, residente ng Barangay Parian, San Fernando City at nakadestino sa Balaon Police Station sa La Union.

Blangko naman ang pulisya sa kung sino ang dumale ng shoulder bag ng biktima na may lamang P65,000.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-8:00 ng umaga sa mismong kuwarto ng biktima.

Ayon sa biktima, bago ang insidente ay isinabit niya sa kahoy na pader ang kanyang shoulder bag at saka pumunta ng banyo para maligo.

Tumagal ng halos kalahating oras bago siya natapos sa paliligo pero nang magbalik siya sa kanyang kuwarto para magbihis ay napansin niya agad na nawawala na sa sabitan ang naturang shoulder bag.

Agad namang ini-report ni Arellano ang insidente sa pulisya at lumalabas sa imbestigasyon na nasalisihan ito sa pamamagitan ng pagsungkit ng magnanakaw sa shoulder bag nito.

May nakita kasing isang mahabang patpat sa labas ng bahay na maaaring ginamit ng suspect sa pagnanakaw.  Robert C. Ticzon

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply