Bading natagpuang patay sa sariling bahay

MASANGSANG na ang amoy ng bangkay ng isang 31-anyos na bading nang matagpuan ito sa loob ng kanyang bahay sa Tondo, Maynila kahapon, Miyerkules, Hunyo 1.

Kinilala ang biktimang si Ferdinand Teodoro, binata; beautician, ng 963 New Antipolo St., Solis Tondo, Manila.

Habang hinihintay ang resulta ng awtopsiya nito sa St. Yvan Funeral Morgue, patuloy ang pangangalap ng testigo para sa ikalulutas ng kaso, makaraang madiskubreng may tama ito ng saksak sa may bandang batok.

Batay sa ulat na nakarating kay Sr.Insp. Armando Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 5:30 ng hapon nang umalingasaw ang masangsang na amoy sa inuupahang kuwarto ng biktima sa nasabing lugar.

Noong una’y inakalang patay na hayop lamang ang naaamoy ng ilang kapitbahay ng biktima, pero nagduda sila nang hindi na nila nakikitang lumalabas ng bahay ang biktima.

Dahil dito, agad na ipinagbigay-alam ng ilang residente sa kanilang Punong barangay na si Jimmy Angelo ang nasabing mabahong amoy bago ito ireport sa pulisya.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng MPD-Jose Abad Santos Police Station 7 at sa pamamagitan ng pagwasak sa pintuan ng bahay ng biktima ay napasok nila ang loob.

Tumambad sa kanila ang mabahong bangkay ng biktima. Tadtad rin ito ng sugat sa ulo at sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan at may malaking sugat sa batok.

Base sa imbestigasyon, hinihinalang sinaksak at pinagpapalo ng hindi pa nakikilalang salarin ang biktima dahil narekober ang isang kitchen knife na may habang 10 ½ inches at baton na nahati sa dalawa na posibleng ginamit na panaksak at pamalo sa biktima.

Ayon sa ilang kapitbahay ng biktima, nakita umano ito noong Mayo30 dakong 4:30 ng umaga kasama ang tatlong di nakilalang kalalakihan sakay ng isang tricycle.

Kasama ng biktima ang isang lalaki na hinihinalang lover nito sa loob ng bahay habang ang dalawa pa nilang kasama ay naghihintay lamang sa gate. Sandali lamang umanong namalagi ang biktima at ang tatlong bisita nito sa bahay ng biktima.

Ganap na 5:00 ng umaga ay muling dumating ang biktima at ang hinihinalang lover nito subalit makalipas lamang ang 30 minuto ay nagmamadaling lumabas ng bahay ang bisita nito dala ang isang bag.

Ayon naman kay Jasmin Teodoro, kapatid ng biktima, nawawala umano ang laptop, Sony digicam, Nokia cell phone, isang Lacoste bag at cash na P20,000 ng biktima.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply