Bagong PH envoy sa China bigyan ng tsansa

HAYAAN na munang maipakita ang kakayahan nang itinalaga ni Pangulong Benigno Aquino III na bagong ambassador ng Pilipinas sa China na si Domingo Lee at kung may pagkukulang ay sa Commission on Appointments (CA) na lamang maghabol ang mga kritiko nito.

Ito ang naging tugon ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa mga grupo na kumukuwestyon sa kuwalipikasyon ng negosyanteng si Lee na pangunahan ang ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at China, na sa kasalukuyan ay nagkakaroon ng lamat dahil sa pinag-aagawan na Spratlys group of islands.

Ilan sa bumabatikos sa naturang appointment ni Lee ay mula sa mga career diplomat na nagsasabi na ang kawalan ng eksperyensiya ni Lee sa usaping diplomasya kaya mahihirapan itong gampanan ang pagiging ambassador ng Pilipinas, higit pa sa panahon na maraming beses nang pumapasok sa teritoryo ng Pilipinas ang fighter jets ng China.

Ayon naman kay Valte, nauna nang inialok ni Pangulong Aquino ang naturang puwesto kay dating DFA Undersecretary Franklin Ebdalin subalit tumanggi itong tanggapin ang puwesto kung kaya inilagay ng Pangulo si Lee sa naturang posisyon.

Aniya, hindi naman patas at maganda na magbigay kaagad ng negatibong reaksyon o pahayag ang isang grupo matapos na marinig lamang ang pangalan ng isang tao at hindi ibinase ang kritisismo sa kakayahan ng isang presidential appointee.

“There is a proper venue for areas of concern on his qualifications, and that would be the Commission on Appointments,” hamon pa ni Valte sa mga kumokontra kay Lee na maging kinatawan ng bansa sa Beijing.

Binigyan-diin pa nito na tanging si Pangulong Aquino lamang ang nakaaalam at may kapangyarihan na magtalaga ng isang personalidad sa puwesto sa gobyerno sanhi ng kuwalipikasyon na tuparin ang ini-atang na trabaho tulad ng pagpili kay Lee.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply