Balik-eskwela

ASAHAN na muling sisikip ang trapiko sa Kalakhang Maynila sa darating na mga araw. Babaha na naman ang mga estudyante sa lansangan.

Balik-eskwela na naman ang ating kabataan. Balik na naman ang pagbubuo ng mga pangarap na sana sa katapusan ng taon ay matatanggap ang diplomang inaasam ng mga magulang.

Subalit bago ang kasiyahan sa pagtatapos, kailangan munang makikipagsapalaran sa masikip na daloy ng trapiko, maagang paggising, at pakikipagbalyahan sa lansangan.

Kasama na sa mga pasanin ng mga mag-aaral at kanilang mga magulang ang mataas na matrikula at presyo ng mga pangangailangan sa eskwelahan.

Hindi madali ang pumasok sa eskwela. Sinubukan ko ito ngayong taon, at nagsisimula na nga ang muli kong pagpasok sa unibersidad. Nakakakaba. Kailangan na magsunog ng kilay, ika nga. Maraming kailangan basahin at kailangan ng oras para pagtuunan ang mga gawain.

Noong simula, nang maisip kong bumalik sa pag-aaral, nandiyan pa ang “excitement.” Nang kailangan nang magbayad ng matrikula, nandiyan na ang kaba. Nang magsimula na ang klase, seryoso na pala!

Bakit pa nga ba kailangan mag-aral? Para raw makahanap na maayos na trabaho pagdating ng panahon.

Hindi ako kumbinsido sa ganitong dahilan. Marami ang nagtapos ng pag-aaral na wala rin namang trabaho.

Mas naniniwala pa ako na dapat mag-aral para may matutunan ka sa buhay, liban pa sa “skills” na kailangan ng isang tao sa pagharap ng mga hamon sa pagdating ng panahon.

Ang masaklap na katotohanan ay tila wala namang tinuturong mabuti ang marami sa ating mga paaralan.

Tinuturo nga, halimbawa, ang Ingles sa mga bata, subalit wala naman silang natutunan. Tinuturo ang literatura, subalit mas kilala pa ng maraming mag-aaral ang mga bida sa pelikula. Tinuturo rin ang

kasaysayan, subalit hindi nga alam ng maraming kabataan kung bakit si Rizal ang ating bayani at kung bakit tinatawag na martir ang tatay ng ating presidente.

Kailangan nating mag-aral, tayong lahat, hindi lamang ang kabataan. Kailangang mag-aral ang mga guro, kailangang mag-aral ang mga pulitiko, kailangang mag-aral ang sambayanang Pilipino.

Kailangan nating mag-aral hindi upang yumaman. (Tumaya ka na lang ng lotto baka makatsamba pa!)

Kailangan nating mag-aral upang maintindihan natin ang ating mundo, ang panloloko sa atin ng kapwa natin mga mangmang, upang matutunan nating magpapakumbaba at tanggapin na sa tagal natin dito sa mundo ay wala talaga tayong nalalaman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply