De Lima hindi natakot sa banta ng mga Webb

HANDANG harapin ni Justice Secretary Leila de Lima ang planong pagsasampa ng demanda laban sa kanya ng pamilya Webb kaugnay sa re-investigation ng pamahalaan sa Vizconde Massacre case.

Sa isang press statement mula sa ibang bansa, sinabi ng kalihim na gagamitin niyang oportunidad ang pagharap sa kasong electioneering at subversion of the law para maidepensa ang layunin ng re-investigation.

Pinaalala ni De Lima sa pamilya Webb na bagama’t may karapatan ang mga ito na sampahan siya ng kasong contempt o disbarment, hindi nararapat na maglabas ang mga ito ng malisyosong akusasyon laban sa kanya.

Paliwanag ni De lima, nais lamang nilang lumitaw ang katotohanan at maiharap sa korte kung sino ang mga taong responsable sa pagpatay sa mag-iinang Vizconde.

Nilinaw din ng kalihim na wala silang intensyon na habulin ang grupo ni Hubert Webb dahil nagsalita na ang Korte Suprema, na nagpawalang-sala kay Hubert at mga kasamahan nito.

Gayunman, binigyang-diin ni De Lima na hindi lisensya sa pamilya Webb ang dismissal ng kaso para pigilan ang pamahalaan na suriin ang mga ebidensya sa kaso at hanapin ang iba pang taong hinihinalang responsable sa krimen.

Idinagdag pa ng kalihim na inihayag lang nila sa publiko ang resulta ng isinagawang re-investigation na hanggang ngayon nga ay wala pa namang resolusyon at konklusyon.

Tiniyak din ni De Lima sa pamilya Webb na hindi nila babalewalain ang desisyon ng Korte Suprema sa Vizconde case anuman ang maging resulta ng re-investigation.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply