Barker ng dyip tinaniman ng dalawang bala sa ulo

BINAUNAN ng dalawang bala sa ulo ang isang hinihinalang magnanakaw na lalaki nang barilin ito ng isang hindi pa nakikilalang salarin sa Quezon City kahapon.

Kinilala ni P/Supt. Carlito Feliciano, hepe ng Quezon City Police Station 3, ang biktimang nasawi na si Arnel Coloteo, nakatira sa likod ng Filand Subdivision, Barangay Pasong Tamo.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril sa may Congressional Avenue, Barangay Bahay Toro sa tapat ng Cherry Foodarama, bandang 1:45 p.m.

Sinasabing ang biktima ay isang barker ng dyip at isa rin siyang parking boy sa lugar.

Ayon sa security guard ng Foodarama, ang biktima ay madalas masangkot sa nakawan. Ang pinakahuling kinasangkutan ni Arnel ay ang nawalang metro ng taxi habang naka-park sa nasabing lugar.

Lumitaw sa pagsisiyasat ni PO3 Harry Budoma, ng nasabing himpilan, habang nakatayo ang biktima sa naturang lugar ay may lumapit na isang lalaki sa harapan nito.

Agad na bumunot ang salarin ng baril sabay ipinutok ng dalawang ulit na tumama naman sa tagilirang batok ng biktima at dahilan ng kanyang pagkamatay.

Matapos ang pamamaril, isinukbit sa tagiliran ang baril at mabilis na tumakas ang salarin palayo sa lugar sakay ng isang taxi (PSG 123).

Inaalam na ng pulisya sa Land Transportation Office (LTO) ang nagmamay-ari ng naturang taxi na ginamit na getaway vehicle ng salarin.

Nakuha ng mga awtoridad sa lugar ang dalawang basyo ng kalibre .45 bala ng baril.

Malakas ang hinala ng pulisya na pinagplanuhan ng salarin ang ginawang pagpaslang sa biktima.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na salarin hinggil sa naturang insidente.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply