Barko galing Vietnam pinigil sa Cebu

PINIGIL na makaalis ng Cebu International Port ang isang barkong Vietnamese matapos magreklamo ang isang negosyante na kulang ng 1,823 sako ang diniliber nitong bigas.

Kinontra ng Visayan Agri Trading Philippines ang pagbibigay ng Bureau of Customs ng clearance sa barkong Dai Phat na makaalis ng pier kung saan dalawang linggo na ito nakadaong matapos nitong ipakita ang cargo manifest at bill of loading ng barko na nagsasabing may karga itong 78,000 na sako ng bigas gayong 76,177 lamang ang ibinaba ng mga ito.

Bunsod nito ay kagyat na iniutos ng Port of Cebu law division sa ilalim ni Atty. Edward James Dy Buco ang hold departure order sa Dai Phat.

Ayon sa ulat noong Hunyo 17, isang Raffy Arrojo ng Toledo Shipping Agency and Marine Services ang nagtungo sa opisina ng hepe ng Port Operations Division upang humingi ng port clearance para sa Dai Phat  na makalayag at makadaong sa ibang lugar.

Naniniwala umano si Arrojo bilang kinatawan ng Dai Phat na walang karapatang ligal ang BOC para pigilan ang Dai Phat.

Hindi pumayag ang BOC Cebu Operations chief at sinabing lumabag ang Dhai Phat sa Section 2522 ng Tariff and Customs Code na nagsasaad na mananagot ang barko sa pagkawala ng kargamento dahil sindya ito at may kaalaman ang master ng barko.

Gayundin ang paglabag sa Section 2518 na nagsasaad na bawal magdiskarga ang barko sa ibang pantalan nmaliban sa nakasaad na pantalan sa dokumento. Ben Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply