BI nagbigay ng pagsasanay sa mga IO, intel

SA HANGARING masandatahan ang mga tauhan nito sa makabagong kaalaman hinggil sa pagbusisi ng mga pekeng dokumento, nagbigay ang Bureau of Immigration (BI) ng pagsasanay sa mga immigration officer na nakatalaga sa lahat ng pambansang paliparan at maging sa mga intelligence agent.

Sa isang kalatas, inatasan ni Immigration Commissioner Ricardo David, Jr. ang mahigit sa 100 tauhan ng kawanihan, kabilang na ang mga immigration supervisor at officer na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at mga operatiba ng Intelligence Division, na sumailalim sa isang pagsasanay upang mabigyan ang mga ito ng sapat na kaalaman bilang bahagi ng kampanya ng tanggapan laban sa human trafficking at nang masawata ang pagpasok ng mga illegal na dayuhan sa bansa.

Naisagawa na ang unang bahagi ng pagsasanay noong Hunyo 16 habang sa Huwebes, Hunyo 23, naman ang ikalawang bahagi ng pagsasanay.

Sinabi pa ni David na ang mga paksang tinalakay sa pagsasanay ay ang mga pamamaraan ng operasyon sa pambansang paliparan, pangangalap ng impormasyon, paagbibigay ng bagong kaalaman hinggil sa mga makabagong pamamaraan sa larangan ng imirasyon.

Masasandatahan din ang mga kalahok ng kaalaman kung papaano malalaman kung peke ang Philipine Visa na ibinibigay ng Department of Foeign Affairs (DFA), gayundin kung papaano mangalap ng impormasyon.

Sinabi naman ni Attorney Maria Antonette Mangrobang na pinayagan ni David ang mga kalahok na lumiban muna sa kanilang tungkulin sa pambansang paliparan habang sumasailalim sa pagsasanay.

Ayon pa sa tagapagsalita ng kawanihan, ibibigay ng mga tauhan ng BI training center at anti-fraud unit ang pagsasanay.

Idinagdag naman ni Attorney Felino Quirante Jr., hepe ng administrative division, na ituturo rin sa mga kalahok ang probisyon ng Philippine Immigration Act, at kung papaano kumilatis ng isang undesirable o hindi kanais-nais na dayuhan.

Aniya, nagbabalangkas na rin ang kawanihan ng bagong training module para sa mga immigration officer upang mapalakas ang kanilang kakayahan bilang taga-bantay ng bansa laban sa mga illegal alien. Freddie Cortez

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply