BI sa DFA: ‘Turuan kami vs fake visas’

NANAWAGAN ang Bureau of Immigration (BI) sa Department of Foreign Affairs (DFA) na turuan ang mga tauhan ng kawanihan sa Ninoy Aquino International Airport at sa iba pang pambansang paliparan kung papaano malalaman na peke ang pirma sa mga ipinalalabas na Philippine visa ng kagawaran.

Ito ang naging solusyon ng kawanihan kasunod na rin ng ginawang pagpapalusot ng dalawang Indian nationals na makapasok ng bansa gamit ang pekeng Philippine visa na may lagda umano ni Consul General Ma. Agnes Cervantes ng embahada ng Pilipinas sa New Delhi.

Ayon pa kay BI-Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) chief Marlene Pedrealba, hindi maaaring sisihin ang kawanihan sa naganap na pagpasok sa bansa  nina Shinderpal Kaur at Jaspal sa NAIA Terminal 3 mula Malaysia noong Abril 21.

Hiniling din ni Pedrealba sa DFA na magpadala sa kanilang tanggapan ng specimen signature o pirma ng mga awtorisadong opisyal ng mga embahada sa iba’t ibang bansa upang malaman kung ang bisang nakatatak sa pasaporte ng isang dayuhan ay totoo o peke.

Sinabi pa ni Pedrealba na dapat magpadala ang kagawaran ng tauhan nito sa mga pambansang paliparan upang turunan ang kanilang mga tauhan sa pagbusisi kung tunay o peke ang isang Philippine visa.

Bagama’t may isang tanggapan sa kawanihan na nagtutukoy kung peke ang dokumentong isinusumite ng mga pumapasok na dayuhan sa bansa, hindi naman nito kayang silipin kung peke ang pirma o hindi ng opisyal ng DFA na nagpalabas ng Philippine visa.

Sa panig naman ng DFA, sinabi ni Assistant Secretary Ed Malaya na pag-aaralan nila ang mungkahi ng kawanihan hingggil sa pagpapadala ng specimen signature ng mga awtorisadong opisyal ng kagawaran na nagpapalabas ng Philippine Visa.

Sinabi rin ni Malaya na posible rin magbigay ang kanilang tanggapan ng listahan ng mga dayuhang nabigyan ng Philippine visa ng iba’t-ibang embahada ng Pilipinas upang agad na malaman ng kawanihan kung peke o hindi ang nakatatak na bisa sa pasaporte ng isang dayuhang papasok sa Pilipinas.

Matatandaan na pinatunayan ng DFA na peke ang Philippine visa na nakatatak sa pasaporte nina Shinderpal at Jaspal nang pumasok ang mga ito sa bansa.

Sa liham na ibinigay ng DFA kay BI Commissioner Ricardo David Jr., ipinaalam ni Foreign Affairs Secretary Alberto Del Rosario na ang ibinigay na visa sa dalawang dayuhan ay hindi ipinalabas ng embahada ng Pilipinas.

“The DFA informed the BI in a letter dated 3 May that per report from the Philippine Embassy in New Delhi, Philippine visa # ND-MRRV-85141-2011 dated 1 March 2011  and Philippine visa # ND-MRRV-97991-2011 dated 15 March 2011, were not issued by said embassy and are of spurious origin,” pahayag pa ni Malaya.

Ang Philippine visa 85141 ay ibinigay umano kay Shinder Kau Pal samantalang kay Jaspar naman ibinigay umano ang Philippine visa 97991 na parehong pinirmahan umano ni Consul-General Ma. Agnes Cervantes.

Bagama’t nahuli ng mga operatiba ng kawanihan si Shinderpal, kasama na ang asawa ntiong si Lahkvir Singh noong nakalipas na Martes, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Intelligence Division upang matunton ang nawawalang si Jaspal at kung sino-sino ang mga naging kasabwat sa loob at labas ng kawanihan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply