Bilang ng ‘dropouts’ pigilan ang paglobo

NANAWAGAN ang isang mambabatas kay Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na hadlangan ang paglobo ng “dropouts” sa loob ng susunod na limang taon.

“President Aquino should eliminate the number of dropouts and out-of-school youths in five years,”  ayon kay Kabataan Rep. Raymond “Mong” Palatino.

Aniya, posibleng mangyari ito kung seryoso ang administrasyong Aquino na ayusin ang mga problema sa edukasyon.

Tinukoy ni Palatino ang datos mula sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (Ched) at Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) na nagsasabing 79 sa bawat 100 estudyante na pumapasok sa Grade I ay hindi nakapagtatapos ng kolehiyo o kahit ng technical at vocational education.

Ito ay katunayan na malala aniya ang suliranin ng bansa ukol sa dropouts at out-of-school youth at kawalan ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

Nagbabala rin si Palatino na kapag nabigo pa ang administrasyong Aquino na resolbahin ang suliraning ito ay mananatili aniyang kapos sa edukasyon ang mga Filipino.

Nanawagan din ang Kabataan Party-list group kay Pangulong Aquino na dagdagan ang kasalukuyang alokasyon ng edukasyon at limitahan ang patuloy na pagtaas ng matrikula.

Nangangamba si Palatino na ang ambisyosong programang K+12 ay madidiskaril lamang dahil kulang ang badyet ng edukasyon at tila hindi determinado ang gobyerno na magtabi ng mas malaking halaga para sa nasabing sektor.

Iminungkahi ni Palatino na punuan muna ng administrasyon ang kulang na P140 bilyon para sa silid-aralan, mga textbook at mga guro.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply