BIR tutol sa panukala ni Sen. Villar

MARIING tinutulan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang panukalang batas ni Sen. Manny Villar na mabigyan ng mas mababang buwis ang mga biktima ng kalamidad sa bansa.

Ayon kay BIR commissioner Kim Henares, lalong maganda na umano kung bigyan ng subsidy o low package ang mga nasalanta.

Mas maigi rin aniya kung ibibigay na ng direkta sa taong nangangailangan kaysa iba pa umano ang makinabang.

Sa Senate Bill No. 2443, partikular na isinulong ni Villar na iligtas sa pagbabayad ng buwis ang mga biktima ng bagyo, lindol, pagsabog ng bulkan at iba pang kahalintulad ng kalamidad sa pamamagitan ng pagpataw ng kaukulang deductions mula sa kanilang income at real property taxes.

Natalakay sa first reading sa Senado ang panukalang batas ni Villar at ngayon ay naka-refer sa Senate Ways and Means.

Sa pahayag naman ng senador, sinabi nit na isinusulong niya ang agarang pagpapasa sa nasabing panukalang batas dahil sa sunud-sunod na kalamidad na dumating sa bansa.

Napansin ni Villar na nang lumubog ang Kamaynilaan at mga kalapit na lugar dahil sa bagyong Ondoy noong 2009, nakakuha ang mga residente ng Marikina City ng diskwento sa kanilang bayarin sa real property tax na malaki ang naitulong upang kahit paano ay maibsan ang pahirap na idinulot ng bagyo.

Sa ilalim ng panukala, sinumang tao na nawalan ng ari-arian na dulot ng bagyo, lindol, pagsabog ng bulkan at iba pang katulad na kalamidad ay papayagan na ibawas ang kabuuang halaga ng nawasak na ari-arian mula sa kanyang income at real property tax hanggang limang taon mula ng maganap ang kalamidad na sumira sa kanyang ari-arian.

Ang mga ari-arian ay tumutukoy sa mga residential land at building, commercial at industrial buildings, agricultural lands kasama ang pananim dito, at mga makinarya na permanenteng nakapuwesto na ipinatayo ng may-ari para sa isang industriya o negosyo. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply