CBCP positibo sa pagkakatalaga ni Roxas

UMAASA ang isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na mapamamahalaan ng maayos ni dating Senador Mar Roxas ang Department of Transportation and Communications (DOTC).

Reaksiyon ito ni Caloocan Bishop Deogracias Iniguez, chairman ng Episcopal Commission on Public Affairs ng CBCP, matapos italaga si Roxas ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III bilang bagong DOTC secretary, kasunod nang pagbibitiw sa puwesto ni Ping de Jesus.

Hinamon din ni Iniguez si Roxas na patunayan ang kakayahan na pamunuan ang ahensiya at isulong ang pagbabago sa DOTC.

Hinimok din ng Obispo ang taumbayan na maging mapagmatyag at bantayan ang mga ginagawa at gagawin ni Roxas lalo pa’t pitong Private Public Partnership project na bilyun-bilyong pisong halaga ang nakatakdang simulan sa ilalim ng pangangasiwa nito.

Umaasa rin ang Obispo na sa panunungkulan ni Roxas ay masasawata na ang nagaganap na “red tape” sa DOTC, partikular sa Land Transportation Office, Civil Aviation Authority, MARINA, Philippine Ports Authority, Ninoy Aquino International Airport at iba pang paliparan sa Pilipinas.

Samantala, wala namang nakikitang problema si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz kung si Roxas man ang naging bagong DOTC secretary dahil hindi naman kaduda-duda ang integridad at competence ni Roxas.

Gayunman, naniniwala si Cruz na wala ring magbabago sa DOTC kung didiktahan lamang ng Malacañang si Roxas sa kanyang gagawin.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply