China, Vietnam nagkasundo na

MARIING ipinahayag  ngayon ng China na nagka-unawaan na umano sila ng Vietnam para  ayusin ang kanilang territorial dispute sa South China Sea sa pamamagitan ng isang negosasyon.

Ang pagkakasundo ng China at Vietnam ay kaugnay ng naganap na negosasyon hinggil sa anti-China protest sa Vietnam ngayon.

Ayon sa Chinese Foreign Ministry, napagkaisahan nila ng Vietnam na magkaroon ng “friendly consultation” ukol sa pinag-aagawan nila ng teritoryo.

Nakipagkita umano si Chinese State Councilor Dai Bingguo kay Vietnamese Vice Foreign Minister Ho Xuan Son sa Biejing nitong Sabado, Hunyo 25, para pag-usapan ang territorial dispute sa South China Sea.

Napag-alaman na umigting ang tensyon sa pagitan ng China at Vietnam dahil sa pag-harass umano ng Beijing sa mga barko ng Hanoi at pinutol ang kanilang exploration cable.

Nagsagawa naman ng military drill ang Vietnam sa South China Sea na ikinagalit ng China.

Samantala, plano naman  ngayon ng United States government na makipag-usap sa lahat ng mga key players sa West Philippine Sea sa layuning mapahupa ang tensyon.

Sa pagsisimula ng dialogue sa pagitan ng U.S. at China sa Hawaii, muling iginiit ng Amerika na bahagi ng kanilang interes ang kapayapaan sa rehiyon.

Kinumpirma naman ni U.S. Assistant Secretary of State for East Asian and Pacific Affairs Kurt Campbell na nagkaroon sila ng “detailed discussions” sa pagitan ng China hinggil sa isyu, pero tumanggi itong magbigay ng kaukulang detalye.

Inamin pa ni Campbell na nagdulot ng “concern” sa kanila ang ginagawang military expansions ng China.

Sa panig ni Chinese Vice Foreign Minister Cui Tiankai, tumanggi itong magbigay ng komento hinggil sa naganap na pagpupulong.

Maalala na nitong nakaraang linggo lamang, nanawagan si Cui sa Amerika na huwag makialam sa isyu na namamagitan sa anim na mga claimant-states, kabilang ang China, Pilipinas, Brunei, Malaysia, Taiwan at Vietnam.

Kabilang pa sa mga natalakay ng dalawang opisyal ay hinggil sa usapin sa climate change, health, disaster preparedness, piracy at poverty sa the Asia Pacific region. Ang susunod na pagpupulong ay gaganapin sa China. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply