Consignee ng black corals ipinaaresto

IPINAAARESTO ni Senador Juan Miguel Zubiri sa Office of the Senate Sergeant at Arms (OSSAA) si Exequil Navarro, consignee ng nakumpiskang mga pawikan at black coral reefs sa Manila South Harbor.

Ito ay makaraang mairita si Zubiri, chairman ng Senate Committee on Environment and Natural Resources sa  biglang hindi pagdalo ni Navarro sa pagdinig.

Aniya, kinumpirma ni Navarro ang kanyang pagdalo sa pagdinig komite subalit bago magsimula ay nag-text ito kay Zubiri na hindi umano makakadalo dahil sa may sakit ang kanyang kapatid.

“Sir, pasensya na po at hindi ako makakadalo ngayon sa hearing sa dahilan po na biglaan ang pagpunta ko sa kapatid ko. Hindi na nia nakayanan yung mga lumalabas na balita sa newspaper at napanuod din niya kagabi yung balita sakin [sic].” text ni Navarro kay Zubiri.

Sa kabila nito, nagpatuloy ang pagdinig kung saan ay binigyan pa ng pagkakataon si Navarro na makahabol.

Subalitan pagdating ng pasado alas 10:45 ng umaga ay agad na inatasan ni Zubiri sa harap mismo ng  pagdinig ang OSSAA na arestuhin si Navarro at dalhin sa Senado sa susunod na pagdinig sa Lunes.

Ayon kay Zubiri, labis na nalulungkot ito sa hindi pagdalo ng sinasabing susi sa mga kasagutan sa pagkakakumpiska ng sea turtles at black corals sa Manila South Harbor.

Iginiit din ng senador na nais niyang malaman mula kay Navarro kung sino ang mastermind sa nakumpiskang mga kontrabando , matapos na sabihin nito na siya ay dummy lamang.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply