DA, BFAR pinapanagot din sa fish kill

MAY pananagutan din ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa naganap na fish kill sa Taal Lake sa Batangas bunsod ng layon nitong maparami ang produksyon ng mga isda.

Inihayag ito ni Environment Secretary Ramon Paje bilang reaksyon sa naganap na fish kill na pumatay sa napakaraming mga isda at nagpalugi ng milyon-milyong piso sa mga palaisdaan.

“Ang objective nila, makapag-produce ng marami. Tuloy ngayon, na-zero sila,” ani Paje.

Anito, walang masama na paramihin ang produksyon ng isda ngunit dapat na tandaan na lahat ay may limitasyon.

“As we reduce the number of fish cages, dinoble naman nila (mangingisda) ang populasyon ng isda sa bawat fish cage kaya nagkaroon ng pagbagsak sa dissolved oxygen,” ayon pa kay Paje.

Aniya, bagama’t hindi maisasantabi na dapat ay may limitasyon ang paglalagay ng mga isda sa fish cages, kailangan pa rin umanong mabalanse ang pangangalaga sa kalikasan at pagpapalakas sa ating agrikultura.

“There is a little social problem here. We have to balance it,” dagdag pa ni Paje.

Sinabi pa ng kalihim na seryoso sila sa pagbabawas ng fish pens at cages hanggang sa wala na ngang matira rito.

Ngunit, inamin din ni Paje na ilang lokal na pamahalaan ang may pagkukulang pa rin sa pagtupad ng kanilang tungkulin na matanggal lahat ng fish cages at fish pens sa nasabing lawa.

Isa sa pinag-aaaralan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kasalukuyan ang isang proyekto na magpapatanggal sa fish cages. Alinsunod sa proyektong ito, pararamihin ng gobyerno ang isda sa Taal Lake at hahayaan lamang itong lumaki sa natural na paraan.

Ang mga mangingisdang may fish pen o fish cage na masisira ang kabuhayan kapag nangyari ito, ay papayagan namang makapangisda sa pamamagitan ng dating pamamaraan ng pangingisda na gumagamit ng lambat upang malaya pa ring makakakilos ang ating mga isda sa lawa. Robert C. Ticzon

 

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply