Dagupan posibleng tamaan ng tsunami

KAPAG gumalaw dahil sa malakas na lindol ang Manila Trench, maaaring sagasaan ng tsunami ang  lalawigan ng Pangasinan, partikular na ang lungsod ng Dagupan.

Ayon kay Jane Punongbayan, supervising science  research specialist ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs), isa ang Dagupan sa kailangang maging handa pagdating sa tsunami dahil nakaharap ang lungsod sa tinatawag na  Manila Trench, na kayang gumawa ng malalaking lindol na aabot sa 8.2 magnitude.

Bukod dito, maaari ring magkaroon ng tsunami na aabot ng katumbas sa mahigit sa dalawang palapag ng gusali kapag tinamaan ng nabanggit na lindol.

Dagdag pa ni Punongbayan, maraming barangay ang maaaring maapektuhan sakaling magkaroon ng tsunami sa lungsod dahil napapalibutan ito ng mga palaisdaan, ilog at gulpo.

Aniya, maaari itong pumasok sa layong anim na kilometro dahil patag lamang ang mga lupain dito.

Dagdag pa niya, makakatulong ng malaki kung may mga kalsadang papalayo sa mga karagatan ang ipapagawa upang ligtas na makalayo sa lugar na tatamaan ng tsunami.

Aniya, bukod dito ay makakatulong din ang pagiging handa  at alerto sa oras na magkaroon ng lindol at tsunami sa lalawigan upang maiwasan ang pagkawala ng buhay at pagkasira ng mga ari-arian. 

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply