Dahil kay Rizal

DAHIL ika-150 anibersaryo ng kaarawan ng ating bayani na si Gat Jose Rizal ngayong taon, napagpasyahan kong bumalik sa pag-aaral.

Kahit na nagka-edad na, pinili kong pumasok muli sa unibersidad kasabay ang maraming kabataan na nangangarap na makapagtapos ng kurso at makakuha ng diploma.

Hindi madali ang bumalik sa eskwela. Mahina na ang tuhod at may kabagalan na sa pag-akyat-baba sa hagdan.

Nakakatuwa ang karanasang muling makinig sa guro, magbasa ng libro, at gumawa ng mga takdang-aralin.

Nakakapanibago ang karanasan, lalo na sa panahon na magkukumahog kaming mga magkaklase na tapusin ang mga pasulit.

Nakakaiyak minsan kung di magawa ang mga inaatas ng guro na gawain. Kumakabog ang dibdib at maiisip mong sumuko na lamang. Subalit kailangang makapagtapos, hindi upang makapasok sa trabaho (dahil meron na tayong trabaho) kundi upang matuto.

Inspirasyon ko noong bata pa si Rizal. Sa aming bayan kasi siya itinapon ng apat na taon. Wala akong ibang sikat na kilalang tao noong aking kabataan kundi si Rizal at si Marcos, ang dating pangulo.

Subalit si Rizal ang pumukaw sa isipan ng isang yagit na probinsyano upang mangarap na makapag-aral at sundan ang yapak ng bayani.

Sinuwerte akong makapag-aral ng pilosopiya (na gustong pag-aralan ni Rizal noon, sa Unibersidad ng Santo Tomas. Sumali pa ako sa patimpalak ng tula, tulad kay Rizal, at pinalad namang manalo.

Pumasok din ako sa Ateneo, Ateneo Municipal noong panahon ng bayani, subalit di ko natapos ang pag-aaral doon,

Kaya ngayong ika-150 anibersaryo ng kaarawan ng aking idolo, minabuti kong bumalik sa Ateneo. Sana sa pagkakataong ito ay di na mabibigo ang pangarap na ito.

Nang dahil kay Rizal muli kong susuungin ang mga pasulit, ang mga takdang aralin at ang mga pangaral ng mga guro.

Nakakapagpakumbaba ang bago kong karanasan. Mahirap man pero dahil kay Rizal tatapusin ko ito.

Nakapagpagaang ng loob na makikita mo sa loob ng unibersidad ang kabataang nagbabasa ng libro, gumagawa ng mga proyekto at nag-uumpukan upang pag-usapan ang kalagayan ng ating bayan.

Naiisip ko lang minsan ang mas marami pang kabataan na walang pagkakataon pumasok sa eskwela dahil sa kahirapan. Kaya para na rin sa kanila, pagbubutihan ko ang aking pag-aaral.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply