Dahil natutulog din ang nagbabalita

MATUMAL ang balita nitong mga nakaraang araw. Kundi bagyo at baha, ang pakikipag-away ng Pilipinas sa Spratlys ang laman ng mga pahayagan.

Nagpakitang-gilas pa ang Philippine Navy at nagpadala ng barkong pandigma sa South China Sea sa gitna ng malakas na bagyo. Ang lakas talaga ng loob ng Pinoy!

Minsan naiisip ko, wala na bang ibang kwento na puwedeng ilabas sa media kundi ang awayan sa pulitika, pag-aagawan ng puwesto, at digmaan? Ito lang ba talaga ang nangyayari sa mundo?

Sa aking pag-iikot, napansin kong marami namang kuwento sa paligid na hindi nga lang nailalathala sa mga pahayagan. Hindi kasi mabenta.

Kung tutuusin, hindi nawawalan ng balita, hindi nawawalan ng kuwento. Kailangan lamang imulat ang mga mata sa mga pangyayari sa paligid.

Sa pagsikat ng araw, nandiyan ang masang Pilipino sa lansangan, nag-uunahan upang pumasok sa mga pagawaan. Subalit sapat ba ang kanilang kinikita kapalit sa paggising ng maaga?

Ayon sa mga militante, kulang ang kita ng mga obrero at naaapi sila ng mga kapitalista. Hindi ito masyadong napapabalita.

Tingnan natin halimbawa ang kalagayan ng mga manggagawa sa Hanjin Shipping na pagmamay-ari ng mga Koreano. Mahigit isang linggo na silang nananawagan para bigyang pansin ang kanilang kalagayan.

Subalit tila walang nakakarinig sa kanila. Kinailangan pang mag-martsa patungong Mendiola kasama ang mga pari’t madre upang bumenta sa media.

May mga kabayanihan din ang mga ordinaryong manggagawa sa pamahalaan na hindi nabibigyang pansin dahil ang laging napupuna ay ang mga kabulastugan ng iilan.

Buong araw na nakikipagbuno ang sambayanang Pilipino sa mga hamon sa buhay sa pamamagitan ng iba’t ibang gawain, subalit hindi sila napapansin dahil ang media ay nakatingin lamang sa sentro ng kapangyarihan – hindi ang sambayanan kundi ang mga nasa kapangyarihan.

Matumal nga ba ang balita nitong mga nakaraang araw? Hindi naman. Nagpapahinga lang ang maraming tao dahil bumagyo. Natutulog din kasi naman ang mga tagapaghatid ng balita.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply