Dayuhang terorista bantay-sarado sa BI

PINAKALAT na ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr. ang lahat ng operatiba nito sa mga pambansang paliparan at pier upang matyagan ang mga papasok na dayuhang terorista sa bansa.

Sa isang direktiba, inatasan din ni David ang mga ahente mula sa Intelligence Division na masusing tiktikan ang mga galaw ng mga dayuhang kasapi ng Jemaah Islamiyah at ng teroristang Abu Sayyaf matapos na magplano ang mga ito na magsagawa ng pambobomba sa Metro Manila.

Inutusan din ni David si Intelligence chief Maria Antonette Mangrobang na masusing makipag-ugnayan mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Philippine National Police (PNP) upang beripikahin ang ulat na may mga dayuhang terorista ang namamalagi sa bansa.

Sinabihan din ng BI chief si Wilfredo Poquiz, hepe ng bagong tatag na anti-terrorist unit, na ikalat ang mga tauhan nito sa kalunsuran at kanayunan upang matyagan ang galaw ng mga dayuhan, partikular na ang mga tinatawag na “high-risk nationals.”

Ayon naman kay Mangrobang, nagsasagawa na nang mahigpit na pagbabantay sa mga dumarating na pasahero ang mga immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport at sa iba pang pambansang paliparan ng bansa.

“Ang sinumang dayuhan na maituturing na may potential na maging banta sa seguridad ay hindi papapasukin sa bansa at pababalikin sa bansang pinagmulan,” pahayag pa ni Mangrobang hinggil sa ipinalabas na kautusan ni David.

Inihayag din nito na may itinatagong dokumento ang kawanihan kung saan nakatala ang mga pangalan ng mga pinaghihinalaang dayuhang terorista at mga hindi kanais-nais na banyaga sa bansa. Freddie Cortez

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply