Deployment ban sa Bahrain binawi na

BINAWI na ng gobyerno ng Pilipinas ang ipinatupad na deployment ban sa Bahrain matapos na iulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Malakanyang na ibinaba na sa level 1 ang crisis alert sa naturang bansa.

Base sa ulat na ipinarating sa Palasyo, ibinaba sa alert level 1 mula sa alert level ang alerto matapos na tanggalin ng gobyerno ng Bahrain ang idineklarang state of emergency sa naturang teritoryo na epektibo noong Mayo 31, 2011.

Dahil dito, binuksan muli ng DFA ang pintuan para muling makabalik sa Bahrain ang mga inilikas na overseas Filipino worker (OFW) at maging sa mga bagong aplikante na nais na magtrabaho sa naturang bansa.

Gayunman, nananatiling bawal magtungo sa Bahrain iyong tinatawag na “non-essential” at “non-urgent travels” sanhi na rin ng ipinatutupad na crisis alert level 1 ng gobyerno ng Pilipinas.

“Under alert level 1, Filipinos are urged to actively monitor ongoing developments.  Returning workers are allowed to go back to the concerned country, but non-essential and non-urgent travels are still not allowed,” saad sa report ng DFA kay Pangulong Benigno Aquino III.

Magugunita na inihayag ng Bahraini Royal Palace noong Mayo 31 ang pagbawi sa idineklarang state of emergency.

Iniabot na rin ng Bahraini government ang kanilang kamay sa mga oposisyon doon bilang imbitasyon sa malawakang dayalogo at ugnayan sa pagtalakay ng reporma sa pulitika tungo sa pagkakaisa at katahimikan sa kanilang bansa.

Noong Marso 15, nang itaas sa crisis alert level 2 ang Bahrain sanhi na rin ng naranasang krisis pulitikal ay ipinatupad ng DFA ang deployment ban upang maiwasan na mailagay sa panganib ang mga Pinoy na nais na magtatrabaho doon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply