Diborsyo proteksyon ng pamilya– solons

AYON kina Gabriela Partylist Reps. Luz Ilagan at Emmie de Jesus, proteksyon ng pamilya ang nais nila sa pagsusulong ng diborsyo sa bansa.

Wala umanong saysay ang ‘Till death do us part’ kung palaging nag-aaway ang mag-asawa, ito ang pahayag ng dalawang militanteng solon.

Kailangan ding may kalayaang makapamili ang mag-asawa kung ano ang kanilang gagawin kung hindi na talaga kayang ayusin ang kanilang pagsasama.

Ani Ilagan, hindi makakasira ang HB1799 o “An Act Introducing Divorce in the Philippines” sa pamilya kundi makapagpapatibay pa.

Sa HB1799, ginagarantiya ang polisiya ng Estado na protektahan at palakasin ang kasal at ang pamilya bilang basic social institution.

Pinahahalagahan din umano dito ang dignidad ng bawat tao at ginagarantiya ang respeto sa karapatang pantao upang masiguro ang pagkakapantay-pantay ng batas para sa babae at lalaki.

Matatandaang binatikos ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagsusulong ng Gabriela sa diborsyo sa bansa.

Ayon sa CBCP, kahit Pilipinas na lamang ang nalalabing bansa sa mundo na walang diborsyo, hindi ito nakababawas sa pagkatao ng mga Filipino.

Sinabi rin ng CBCP, nakasisira sa pamilya ang diborsyo, dahil lumalakas ang loob ng mag-asawa na maghiwalay kahit maaari pang ayusin ang kanilang pagsasama.

Nakikisimpatiya umano sila sa mga mag-asawang may malaking problema sa kanilang pagsasama ngunit hindi umano diborsyo ang lunas dito.

Mawawalan ng halaga umano ang sinumpaan ng mag-asawang at anila, “What God has put together, let no man set asunder” kung magkakaroon ng diborsyo sa bansa.

Ngunit sinabi ni Ilagan na hindi nakabase ang kabanalan ng kasal sa bilang ng pagpapakasal kundi sa kalidad ng pagsasama ng mag-asawa.

Aniya, ang pwede lamang mag-apply sa diborsyo ay iyong tagalang hiwalay na ng limang taon, o kaya naman ay legally separated ng dalawang taon.

Tatanggapin din ang grounds for legal separation, psychological incapacity, hindi pagtugon sa mga obligasyon bilang asawa at irreconcilable differences na naging sanhi upang mawasak ang pagsasama.

Ani Ilagan, kung talagang hindi na masaya at inaabuso na si misis ng kanyang asawa, bakit kailangang magsama pa sila?

Binatikos din ni Ilagan ang mga anti-divorce congressmen, partikular ang mga lalaki, dahil takot lamang umano ang mga ito sa kanilang mga asawa kaya ayaw nilang pumayag sa divorce bill.

Ayon naman kina Reps. Edcel Lagman (Albay) at Danilo Suarez (Quezon), hindi sila takot sa kanilang mga misis kundi naniniwala lamang sila sa kahalagahan ng kasal.

Idinagdag pa ni Suarez na hindi na baleng “Takuza, huwag lamang Takutu.” Nang tanungin ang solon kung ano ang Takutu, ito raw ay ‘takot sa number two.’

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply