Director sinaksak ng chatmate sa Facebook

MALUBHANG nasugatan ang isang actor/director nang pagsasaksakin ng lalaking chatmate nito sa Facebook sa Quezon City, kaninang madaling araw.

Mag-isang pumunta sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang duguang biktima na si Ricardo “Ricky” Rivero, 39, actor-director, ng 7 Masikap St., Barangay Piñahan, Quezon City, ngunit agad ding inilipat sa St. Luke’s Hospital sanhi ng mga tinamong saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.

Nadakip naman agad at ipaghaharap ng kaukulang kaso ang suspect na si Ivan Ruiz, sinasabing ka-chatmate ng biktima sa Facebook may limang buwan na ang nakararaan.

Sa ulat ni Quezon City Police District (QCPD)-Station 10 investigator na si PO3 Antonio Torrente, naganap ang insidente dakong alas-tres ng madaling araw sa loob mismo ng inuupahang apartment ni Rivero.

Bago ito, nabatid na nagkita ang dalawa at humihiram ng pera ang suspek sa biktima dahil may sakit ang tatay nito, ngunit hindi umano pinagbigyan ng biktima.

Sa gitna ng pagtatalo, basta na lamang umanong pinagsasaksak ng suspek ang biktima bago tinangay ang laptop nito, pero sa kanyang pagtakas ay nadakip ito ng mga barangay tanod.

Ayon kay Rivero, nakilala niya si Ruiz sa Facebook may limang buwan na ang nakaraaan at simula noon ay naging magkaibigan sila.

Si Rivero ay isang director na ngayon sa isang serye sa telebisyon.

Noong 1986 ay nagsimula ang kanyang career sa palabas na “Ninja Kids,” at lumabas din ito sa youth-oriented show na “That’s Entertainment” na pinangungunahan ni German Moreno.

 

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply