DOH: Kaso ng leptospirosis darami

NANGANGAMBA ang Department of Health (DOH) na lalo pang darami ang mga biktima ng sakit na leptospirosis dahil sa inaasahang mga pagbaha ngayong panahong tag-ulan.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Health Secretary Enrique Ona ang publiko na mag-ingat sa sakit na nakukuha mula sa ihi ng daga. Makabubuti umanong umiwas sa pagsulong sa tubig-baha upang makaiwas sa nasabing sakit.

Ayon kay Ona, simula pa lamang ng tag-ulan ay tumaas na ang bilang ng mga biktima ng leptospirosis na naitala ng DOH.

Batay sa datos mula Enero hanggang Mayo 21 ng taong ito ay aabot na sa 454 ang bilang ng leptospirosis cases na  naitatala. Ito ay mas mataas ng 74.6 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Dumami rin umano ang bilang ng mga nasawi sa sakit ngayong taon na umabot sa 32, kumpara sa walo lamang na naitala noong 2010.

Nabatid na ang mga naitalang edad ng mga biktima ng sakit ay nasa isang buwan hanggang 69-anyos, kung saan pinakamaraming ang nabiktima sa age range na 25 hanggang 39-anyos na umabot sa 39 porsiyento.

Karamihan sa mga biktima ay lalaki, 87 porsiyento, at mayorya sa mga kaso ay naitala sa Western Visayas na may 131 kaso, Bicol Region na may 51 kaso, at Central Luzon na may 50.

Kasabay nito, pinayuhan ng DOH ang publiko na iwasan ang paglusong sa mga baha ngayong panahon ng tag-ulan para makaiwas sa banta ng leptospirosis.

Sakali naman umanong hindi maiiwasang lumusong sa baha, dapat na ugaliing magsuot ng mga rubber boots o bota.

“The rainy season is not yet over, so we are reiterating our advise to the people to prevent leptospirosis by avoiding, as much as possible, wading in floodwaters. We emphasize that they should wear boots if wading cannot be avoided,” dagdag pa ng kalihim.

Aniya, kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ay lagnat, pangingiki (chill), at matinding pananakit ng ulo.

Kabilang naman sa mga maaaring maging kumplikasyon dahil sa leptospirosis ay meningitis, renal failure, respiratory distress, habang ang iba ay maaaring magdulot ng kamatayan.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply