DOH sa mga kabataan: Maging ‘life-savers’

HINIKAYAT ng Department of Health (DOH) ang mga kabataan, na gumawa ng mahalagang kontribusyon para sa bansa, sa pamamagitan ng regular na pagdu-donate ng dugo at himukin ang kanilang kapwa kabataan na maging ‘life-savers.’

Ang panawagan ay ginawa ni Health Secretary Enrique Ona kasabay nang pakikiisa ng DOH sa global celebration ng World Blood Donor Day sa Buenos Aires, Argentina nitong Martes.

Ayon kay Ona, ang pagbibigay ng dugo ay isang napakahalagang regalo sa kapwa-tao dahil malaking tulong ito upang makapagligtas ng buhay.

Paliwanag ni Ona, hindi naman mauubusan ng dugo ang isang tao kung magdu-donate siya, at sa halip ay magkakaroon pa ng bago at mas sariwang dugo, dahil na rin sa kakayahan ng dugo na mag-regenerate ng sarili nito.

“Giving blood is like giving the most precious gift to another person: The gift that will help heal the sick, the gift that will preserve life. We do not lose blood when we give some because blood regenerates itself. As we donate blood, we re-fill our bodies with new and fresher blood,” paliwanag pa ni Ona.

Kumpiyansa naman ang kalihim na mapupunuan na ang kasalukuyang gap sa suplay ng dugo sa bansa, dahil ilang lalawigan umano ang nakakuha na ng 100 porsiyentong voluntary blood donation.

Batay sa rekord ng DOH-National Voluntary Blood Services Program, kabuuang 654,763 blood units ang nakolekta nila noong 2009, at 58 porsiyento dito mula sa voluntary blood donation habang ang 42 porsiyento naman ay mula sa replacement donation.

Ngayong 2011, target ng DOH na mahikayat ang mga kabataan at ang publiko na regular na mag-donate ng dugo, sa ilalim ng tema ng programa na “More Blood, More Life.”

Ang World Blood Donor Day ay pinangungunahan ng World Health Organization (WHO) upang pataasin ang global awareness sa pangangailangan para sa ligtas na dugo para makapagligtas ng buhay.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply