DOJ ayaw makialam sa pagbabalik ni Torres

IWAS-PUSOY ang Department of Justice (DOJ) kaugnay sa isyung pagbabalik trabaho ni Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Virginia Torres.

Kasabay nito ayaw na rin magbigay ng komento si Justice Secretary Leila de Lima para magbigay ng anumang opinyon sa mga kontrobersiya na kinasasangkutan ni Torres.

Ipinaliwang ni de Lima na wala nang ligal na balakid na pipigil para sa pagbalik ni Torres sa trabaho kaya hindi na rin sila makikialam.

Ayon kay de Lima, wala namang naging aksyon ang Palasyo sa rekomendasyon ng DOJ na sampahan ng reklamong administratibo si Torres at mapatawan ito ng preventive suspension.

Samantala, hindi na rin pinatulan ng kalihim ang isyu ng pagkapikon ni Torres sa naging findings noon ng DOJ kaugnay sa naganap na takeover sa Stradcom Corporation noong Disyembre ng taong 2010.

Sinabi ni De Lima na lumang isyu na iyon at hindi na siya dapat magbigay ng panibagong komento. Si Torres ay balik-trabaho na muli matapos ang dalawang buwang leave of absence.

Samantala pinayuhan naman ni Sen. Kiko Pangilinan si Torres na manahimik na lamang matapos itong magbalik mula sa leave nito.

Sinabi ni Pangilinan na dapat sana’y nanahimik na lang si Torres kung magiging self-serving lang ang magiging mga pahayag nito sa media.

Bukod pa rito sinisi rin ng Senador si Torres na siyang isa sa mga dahilan ng pagbaba ng satisfaction rating ng Pangulong Benigno Aquino III.

Hindi rin nagustuhan ng senador ang pagyayabang ng LTO Chief nang sabihin nito na nakakahiya sa gobyerno kung magreresign siya sa puwesto. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply