Driver, tigok sa loob ng pinapasadang dyip

NANGISAY na lamang sa loob ng pampasaherong dyip ang isang 54-anyos na tsuper, na hinihinalang inatake sa puso, habang nakaparada sa Malate, Maynila, iniulat ng pulisya.

Nakilala ang biktimang si Narciso Gado Y Gabaylo, may-asawa, residente ng 147 Capiligan St., Barangay Dona Imelda , Quezon City.

Batay sa ulat na isinumite kay Sr. Insp. Armando Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 8:45 kagabi nang maganap ang nasabing insidente sa Adriatico St., malapit sa panulukan ng  P. Ocampo sa Malate.

Nauna rito, ipinarada ng biktima ang kanyang dyip (DVP-571) sa nasabing lugar, upang kumain at pagkatapos ay nagpahinga ito sa dyip dahil marahil napagod sa maghapong pamamasada.

Ayon sa kapwa drayber nito si Rodelio Franella, 46 at isang Joniflor Osmena, 50, vendor, nakita nilang biglang nagkikisay ang biktima sa loob ng dyip nito.

Binalak pa nilang isugod ang biktima sa malapit na pagamutan, subalit hindi na rin ito maisasalba pa ng mga manggagamot dahil hindi na ito humihinga, kaya minabuti na lamang nila na ireport na lamang ang nangyari sa pulisya.

Sa imbestigasyon, wala namang bakas ng foul play sa nasabing insidente at sa pamamagitan ng driver’s license na nakuha sa wallet ng biktima ay natukoy ang pagkakakilanlan nito.

Napag-alaman din na may sakit na diabetes ang biktima, ayon sa kanyang mga kakilala.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply