DSWD humingi ng ayuda para sa biktima ng baha

HUMIHINGI ng tulong ang Department of Social Welfare (DSWD) para sa isinasagawang relief operations ng ahensya sa mga apektadong pamilya ng pagbaha sa North Cotobato at Cotobato City.

Kaugnay nito, umabot na sa 12 katao ang naiulat na namatay sa malawakang paghaha sa Region 10, 11, 12 at bahagi ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Sa ulat Martes ng tanghali ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 10 sa mga namatay ay mula sa lalawigan ng North Cotabato, isa sa Cotabato City at isa sa Davao del Norte.

Tumaas naman sa mahigit sa 700,000 katao ang apektado ng kalamidad mula sa 59 na bayan, limang lungsod at 10 lalawigan at pinakamarami sa mga naapektuhan ay mula sa North Cotabato na umabot sa mahigit 186,000, habang mahigit 327,000 naman sa Cotabato City. Libu-libo katao rin ang apektado sa Sultan Kudarat, Lanao del Sur, Bukidnon, Davao del Norte at Davao del Sur.

Sa kasalukuyan, katuwang ng DSWD ang mga local government units (LGU’s) upang tulungan ang mga pamilyang apektado ng pagbaha lalong lalo na sa North Cotabato at Cotabato City.

Ayon naman kay Bonifacio Selma, disaster management unit manager ng DSWD-12, umaabot na sa P5.9-milyon halaga ng food packs at iba pang kagamitan tulad ng kumot, banig, at kulambo ang kanilang naipamigay sa 65,702 na pamilyang apektado sa 15 bayan at isang lungsod sa buong rehiyon.

Pinakamalaki pa rin ang bilang ng mga apektado mula sa North Cotabato na umabot na sa 37,421 pamilyang ang nasa evacuation centers.

Kabilang sa mga bayang malubhang naapektuhan sa pagbaha ay ang Pikit, Carmen, Pigcawayan, Kabacan, Tulunan, Mlang, Banisilan, Libungan, Aleosan, President Roxas, Magpet, Midsayap, Matalam at Makilala na isinailalim na sa state of calamity.

Inihayag din ni Selma, sa Cotabato City ay nasa 25,402 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center dahil sa pag-apaw ng Rio Grande de Mindanao.

Kaugnay nito, nananawagan ang DSWD sa lahat na tulungan ang mga apektadong pamilya.

Sa ngayon ay tinatayang nasa P429 milyon na ang pinsala ng kalamidad sa agrikultura at imprastraktura.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply