Eh ano ngayon kung bilyon ang premyo sa lotto?

TOP story sa isang diaryo, “PCSO sees first lotto billionaire “.

Ang sagot ko naman, eh ano ngayon? Kahit pa may manalo at maging bilyonaryo dahil sa lumalaking pa-premyo sa 6/55 grand lotto, ay wala din naman mababago sa buhay ng mas nakararaming mga pinoy na sagad sa hirap.

Sa totoo lang ay milyon-milyon pa ngang mga kababayan natin ang sasama ang loob at higit na mawawalan ng pag-asa kapag dumating ang oras na may tuluyan ng nanalo sa nakakapaglaway na jackpot na iyan.

Sa madaling salita ay may hindi magandang epekto sa buhay at mentalidad ng mga mamamayan ang patuloy na pagsikad ng premyo nang lotto na tinataya ngang baka umabot na sa isang bilyon.

Tinuturuan kasi nito ang ating mga kababayan na umasa sa instant swerte para mabago ang buhay sa halip na mag-trabaho at magsumikap upang makamtan ang kanilang mga pangarap.

Sa totoo lang ay hindi naman galing sa PCSO ang premyo na iyan kundi mula din ito sa pera  ng mga mananaya na pinagsama-sama bago kaltasan ng porsiyento na matitira para sa ahensiya.

Wala itong ipinagkaiba sa mga game show na tulad ng Willing-willie na madalas batikusin ng mga moralista dahil sa pangguguyo , pagbibigay ng false hopes at pagpapalaganap ng culture of mendicancy sa ating bansa.

Sa totoo lang ang dapat gawin ng mga opisyales diyan sa PCSO sa pamumuno ni Chairman Margie Juico ay sikapin na ang kinikita ng lotto ay maipamahagi sa higit na nakakaraming mga naghihirap nating mga mamamayan.

Ang problema , kahit pa nga lumalaki ang premyo sa lotto at siyempre ang kinikita ng PCSO ay sinasabi naman nina Ms.Juico na lilimitahan nila ang cash allotment para sa mga pasyenteng lumalapit at humihingi ng tulong sa kanila.

Ang katuwiran nila ay nalulugi na daw ang PCSO at wala na itong sapat na budget para sa mga charity initiatives nito.

Teka nga muna!  Ang alam ko ay itinayo ang PCSO hindi upang maging income generating arm ng gobyerno kundi upang maging behikulo para tumulong sa mga kapos-palad nating mga kababayan.

Dapat siguro baguhin ni Juico ang thrust ng PCSO na sa halip na gamitin ito para kumita ay unahin muna niyang pagsilbihan ang mga nangangailangan ng tulong .

Kaya ang dapat niyang gawin para mas marami ang matulungan ay mag takda na lang sila nang maximum amount na maaring mapanalunan sa lotto draws para masiguro na mas maraming halaga ang mailalaan ng ahensya para sa mga charity works nito.

Mas mabuti pang mas maliit lang ang premyo sa lotto na marami ang nakikinabang keysa naman sa bilyon na ilan lang ang nabibiyayaan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply