Erap, Lacson inabswelto ni Aquino

KINUMPIRMA ni dating Senior/Supt. Michael Ray Aquino na walang kinalaman sina Senator Panfilo Lacson at dating President Joseph Estrada sa pagpatay kay Publicist Salvador “Bubby” Dacer at driver nito na si Emmanuel Corbito kasaunod ng pagbabalik niya sa bansa kaninang umaga, Linggo, Hunyo 26.

Ayon kay Aquino, hindi totoong tumanggap siya ng “orders” mula kay Lacson at Estrada para lamang patayin ang dalawa noong Nobyembre 2000.

“Gusto ko pong malaman ng sambayanang Pilipino na wala pong utos sa akin si President Joseph Ejercito Estrada o si Senator Panfilo Lacson to kidnap, harm and/or murder anyone specifically Mr. Salvador Dacer and Mr. Emmanuel Corbito. Wala na po akong maidaragdag, dahil wala po akong karagdagang kaalaman,” ayon sa statement ni Aquino.

Nabatid na inakusahan si Lacson na nag-utos na patayin si Dacer, habang si Estrada naman ay isinangkot base sa testimonya ni dating P/Supt. Cezar Mancao na napahayag na isang  “Bigote” ang  mastermind sa pagpaslang kina Dacer at Corbito.

Kasama sina Bureau of Investigation Foreign Liaison Division Chief Head Agent Atty. Claro De Castro at NBI Airport Division Head Agent Jesus Manapat, dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2, alas 6:47 ng umaga kanina mula sa Los Angeles, sakay ng  Philippine Airlines flight 103 si Aquino.

Nakaposas din ang mga kamay ni Aquino nang dumating sa NAIA 2 arrival area malapit sa  Presidential Lounge, dakong 7:16  ng umaga kung saan binigyan siya ng seguridad ng 5 NBI agents.

Magugunita na si Aquino ay dating miyembro ng binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) at kinasuhan dahil sa pakikisabwatan umano sa pagpatay kay Dacer at Corbito.

Si Aquino at Mancao ay lumipad sa Estados Unidos noong Hulyo, 2001 sa utos umano ni Lacson para takasan ang kaso.

Gayunman, noong Marso 4, inaprubahan ni Magistrate Judge Esther Salas ng US District Court ng New Jersey ang inihain na extradition treaty ng gobyerno at ibinasura ang mga apela ni Aquino.

Inamin din ni Aquino sa kanyang pagbalik sa bansa na hindi niya nahanap sa Amerika sa loob ng 10 taon pananatili ang katahimikan.

Patutunayan umano ni Aquino na inosente siya sa kaso at nakahanda siyang harapin ang mga nag-aakusa sa kanya.

Umaasa naman si Aquino na irerespeto ang kanyang karapatan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply