Ex-Zambo councilor kulong sa pangungurakot

MAKUKULONG ng anim hanggang sampung taon ang dating Zamboanga del Norte councilor dahil sa pagsasagawa ng pekeng drug busts upang makakulimbat ng pera sa gobyernong lokal, ito ang report Lunes, Hunyo 13, ng Sandiganbayan Second Division.

Sa siyam-na-pahinang desisyon ni Presiding Justice Edilberto Sandoval, hinatulan ng anti-graft court si Ricardo Inding, dating konsehal ng Dapitan City, dahil sa paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).

Kinatigan nina Associate Justices Teresita Diaz-Baldos at Samuel Martires ang nasabing desisyon.

Bukod sa pagkakakulong, habambuhay ring diskwalipikado si Inding sa anumang posisyon sa gobyerno.

Ipinababalik din sa kanya ang P30,500 na kinuha niya sa kaban ng gobyernong lokal.

Batay sa mga tala, pineke ni Inding ang drug busts sa umano’y mga drug pusher at user noong 1997 at pineke rin niya ang mag dokumento para sa reimbursement ng mga nagastos.

Batay sa reklamo, pinalabas ni Inding na pinamunuan niya ang committee on illegal drugs sa Sangguniang Panglunsod (SP) ng Zamboanga.

Gayunman, nadiskubreng walang ganoong komite.

Batay sa tala, pinamunuan ni Inding ang committee on tourism at miyembro din siya ng committee on youth and sports development, at health and sanitation.

Ibinunyag na pinalabas ni Inding sa kanyang pekeng report na nagsagawa sila ng surveillance, test-buys at buy-busts mula Enero-Agosto 1997.

Ngunit nadiskubre sa rekord ng pulisya na nagkaroon lamang ng dalawang pag-aresto sa nasabing panahon at hindi kasali doon ang umano’y anti-drug drive ni Inding.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply