Father’s Day Special: I love you Dad!


DALAWANG araw na lang at ipagdiriwang na natin ang Father’s Day o Araw ng mga Ama.  Ginugunita ang espesyal na araw na ito para kina Daddy, Itay, Tatay, Itang, Amang, Papa, Papang, na tumatayong haligi ng tahanan at karaniwang bumubuhay sa pamilya at nagtataguyod ng ating sambahayan.

Ginugunita ito tuwing ikatlong Linggo ng Hunyo hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibat’ t ibang bansa sa mundo.

Nakatatanggap si Itay ng bulaklak at mga regalo gaya ng relo, gamit sa opisina o kaya naman ay simpleng card o sulat mula sa kanyang mga anak, kabiyak at mga malalapit na kaibigan o kamag-anak.

Walang humpay na nagtatatrabaho ang mga tatay. Umulan o umaraw, todo kayod sila upang matugunan ang mga gastusin ng pamilya.

Pangarap lamang ng mga ama gaya ng mga ina na makapagtapos ng pag-aaral ang mga anak. Yun bang secure ang future ng mga anak kapag nakatapos sila ng pag-aaral.

Ang makita ang kanyang mga anak na lumaking marangal, masipag at maunlad ay labis nang ikasasaya ng mga ama. May pakiramdam na fulfillment sa kanila kapag nakitang hindi nasayang ang kanilang pinagpaguran.

Ibalato na natin sa kanila ang araw na ito. Pero siyempre kahit hindi Father’s Day ay dapat lagi nating inaalala ang ating mga ama o ang ating mga asawa.

Siguro upang maging masaya siya, hayaan nating siya ang pumili ng kanyang gagawin sa araw na ito.

Yung iba namang may kaya ay bongga kung magdiwang ng Father’s Day. Lumalabas talaga ang buong pamilya upang mag-bonding. Andyan yung kumakain sila sa labas, namamasyal, nagsa-shopping, nanonood ng sine.

Mayroong gumagawa ng iba’t ibang activity gaya ng sports o nanonood ng mga concert.

Marami ring pakulo ang ibang may kayang ginang. Sinusorpresa nila ang kanilang mahal na asawa at tini-treat ng spa, body massage o kaya naman ay ipinagluluto ng pinaka-espesyal at paboritong pagkain.

Sa iba, gastos lang ang mga ganitong araw. Pero sa aking palagay, ayos lang namang gunitain ito at dapat ay may limitasyon pagdating sa usapang badyet.

Siyempre kung alam mo na medyo kapos kayo sa pera, hindi kailangang magarbo o maluho ang selebrasyon. Maiintindihan ni Itay kung simpleng hapunan lang ang pagsasaluhan. Si Itay, masaya na yan kung gagawaran siya ng halik ng kanyang mga anak at mahal na asawa.

Ang simpleng pagbati at pag-alala sa araw na ito ay siguradong habambuhay na hindi makalilimutan ni Itay.

Saan at paano nga ba nagsimula ang Father’s Day?

Isa ang kwentong aming ibabahagi sa inyo ang pinag-ugatan ng Father’s Day. Sa theory na ito, hindi naging madali ang pinagdaanan para kilalanin ang araw na ito.

Noong 1900, sa Spokane, Washington si Sonora Smart Dodd ay nakikinig sa isang Mother’s Day sermon sa Central Methodist Episcopal Church.

Na-inspire si Sonora sa nasabing lecture. Dahil dito, nagkaideya siyang magkaroon din ng special day para sa kanyag ama na si William Jackson Smart. Ang kanyang ama kasi ang mag-isang nagtaguyod sa kanila mula nang pumanaw ang kanyang ina.

Laging naalala ni Sonora ang mga nagawa ng kanyang ama para sa kanya, ang mga pagsasakripisyo nito at katapangan na mag-isang buhayin sila. Nais niyang maipadama dito kung gaano siya nagpapasalamat at kung gaano niya kamahal ang ama.

Noong June 19, 1910, nakaisip si Sonora na magbigay ng tribute sa kanyang ama. Ang araw na ito ay siyang kapanganakan ng dakilang ama ni Sonora.

Dito na nabuo ang ideya ng paggugunita sa Father’s Day. Gayunman, umani ng batikos ang ideya na ito noon.

Unti-unti din itong nakilala ngunit kadalasan ay for the wrong reasons gaya ng jokes, satire, parody at derision.

Opisyal na na-introduce ang Father’s Day noong 1913 sa anyo ng isang bill na inihain sa Kongreso ng United States para isulong ang pagiging opisyal ng paggunita dito. Naaprubahan ito ni US President Woodrow Wilson noong 1916.

Umani ng momentum ang ideya noong 1924 nang suportahan ito ni President Calvin Coolidge.

Naitayo naman ang National Father’s Day Committee noong 1926 sa New York City. Subalit 30 years later pa ang nagdaan noong ang Joint Resolution ng Congress ang nagbigay ng recognition sa Father’s Day. At panibagong 16 years pa ang lumipas bago na-establish ni President Richard Nixon ang ikatlong Sunday ng June bilang permanenteng national observance ng Father’s Day.

Habang lumaon pa ay unti-unti na itong nakilala sa buong mundo para bigyan ng pagkilala ang mga dakilang ama gaya ng mga ina sa mga kontribusyong naiaambag nila para sa kanilang pamilya.

Paano mapapasaya si Itay kahit kapos sa badyet?

Kahit simpleng pakulo lang, tiyak na magugustuhan ni Itay. Mukhang mas nanaisin niyang magtipid kaysa gumastos kayo para sa kanya.

Kung hindi sapat ang pera, maaaring pag-usapan ni misis at ng mga anak kung paano mapapasaya si Itay kahit na kapos sa badyet.

Narito ang ilang halimbawa

1. Mas personalized kung gagawa ang mga anak at si Inay ng card. Gumamit lang ng colored paper at makukulay ding panulat. Dito isulat ang mga nais na sabihin sa kanya. Halimbawa ay pagpapasalamat at mensahe na nagsasabi kung gaano ninyo siya kamahal.

2. Ipagluto si Itay ng kanyang paboritong ulam o pagkain. Magluto lamang ng sakto at huwag nang garbuhan pa.

3. Linisin at pakintabin ang kanyang mga sapatos. Sa simpleng bagay na ito ay siguradong matutuwa na siya.

4. Pwede ring alukin ng mga anak na kulayan ang namumuti nang buhok ni Tatay. Mura lamang ito at madaling i-apply sa buhok. Basta sundin lamang ang procedure sa pakete.

5. Pwede ring i-offer na linisan siya ng kuko. Hindi ba’t tipid ito? Mahal kasi kung sa labas mo pa siya palilinisan ng kuko.

6. Bigyan siya ng masarap na masahe bago matulog.

7. Ito ang pinakamahalaga sa lahat: Sabihin sa kanya ang “I Love You,” “Thank You” at “Happy Father’s Day!” Bineza Zapanta

@@@

‘Respect and love your wife, be a good provider’– Capt. Walfredo Rivas

Ni:  Linda Bohol

HINDI biro ang maging isang seafarer lalo pa’t may pamilya kang maiiwan sa tuwing sasakay ng barko sa loob ng 10 buwan kada taon.

Pero mabigat man sa kaooban, pikit-matang iiwan ang mga mahal sa buhay kapalit ng konting ginhawang maibibigay sa asawa, mga anak, magulang, mga kapatid at iba pang mahal sa buhay.

Ang pagiging ‘Ama,’ gaya ng pagiging ina, ay hindi natatapos lang sa pagkaluwal ng sanggol.  Obligasyon nito ang maibigay at itaguyod ang mga pangangailangan ng buong pamilya, gayundin ang seguridad sa hinaharap.

Sa pagdiriwang ng Father’s Day sa darating na Linggo, isa sa mahalagang mensahe ni Capt. Walfredo ‘Wally’ C. Rivas Jr., 63, sa kapwa niya mga Tatay ay ito: “Be responsible…work hard…be a good provider.”

Sabi nga ng isa pang tatay na ayaw magpabanggit ng pangalan, bagama’t isa sa kinakaharap na problema ng bansa ay trabaho, kung pamilyado kang tao, hindi ubra ang maging mapili ka ng trabaho. Sunggaban aniya kung ano ang available basta’t hindi ito labag sa batas.

Maraming mga bata ang hindi man lamang makatuntong ng paaralan dahil sa pagiging tamad ng isang tatay.

“Dapat ikaw ang lumalapit sa trabaho at hindi ang trabaho ang lumalapit sa iyo. Kahit pansamantala lang, para maitawid ang pangangailangan ng pamilya,” sabi ni Capt. Rivas.

Dagdag pa ni Kapitan: “Be honest because honesty will always set you free.”  Mahalin aniya anuman ang propesyong meron ka at ugaliin ang pagiging tapat sa anumang larangan. Masarap isipin at maluwag sa damdamin kung galing sa pagiging tapat ang bawat sentimong ipinakakain sa pamilya mo.

Capt. Wally Rivas

Limang anak ang ibiniyaya sa mag-asawang Capt. Wally at Mrs. Grace Rivas na isa namang businesswoman. Ang mga ito ay sina Walfredo III, 37, seafarer at single pa; si Magnum Abraham, 35, negosyante, may-asawa; Socrates Dominic, 30, seafarer; Atty. Polaris Grace, 27; at ang bunsong si Pearl Grace, 26, HRM graduate.

Sa bunso kinuha ang pangalan ng kumpanya ni Capt. Rivas, President at General Manager ng Pearl Grace Shipmanagement, Inc.

Aminado si Kapitan na may iba’t ibang karakter ang limang anak pero sinisikap niya at ng kanyang asawa na unawain ang bawat isa at balansehin ang pagtrato sa kanila.

Isa sa limang anak ay masasabing ‘spoiled brat’ hanggang ngayon kahit isa na itong professional.

“Nasanay kasi siya na pampered at bidang-bida sa kabi-kabilang angkan mula sa mga lolo, lola, tito at mga tita mula nang ipanganak. So hanggang ngayon ganyan  siya…at parang gusto niya forever na siyang ganyan.”

Gayunpaman, ipinagmamalaki ni Capt. Rivas na malalambing ang mga anak pero ang panganay aniya ang pinaka-sweet sa lahat.
“Ito yung way niya na mahalin siya.”

“My wife love my children so much.  Katunayan very dependent pa rin sila sa Mama nila para sa lahat ng kailangan nila,” diin  pa ni Kapitan.

Masaya din na ibinalita ni Kapitan ang pagkakapasa kamakailan ng pangatlong anak na si Socrates Dominic sa katatapos na Third Mate Licensure Examination.

Respect and love your wife

Ito naman ang pangunahing mensahe ni Capt. Rivas sa pangalawang anak na si Dominic na may tatlong anak na rin sa ngayon.

Sa naging karanasan kasi ni Kapitan, dalawang buwan lamang niya nakakapiling ang pamilya sa loob ng isang taon at ang asawa niya ang personal na tumututok sa bawat pangangailangan ng mga anak, gayundin ang pag-unawa sa mga personal na damdamin nila. Sampung buwan ang nagugugol ni Kap sa barko lalo na nang siya’y maging kapitan na sa edad na 30. Kaya’t naiintindihan nito ang papel ng ina sa loob ng tahanan.

Katuwang si Mommy, si Inay sa lahat ng problema at tagumpay ng miyembro ng sambahayan.

Kasama din sa madamdaming mensahe ni Capt. Rivas kay Dominic: “Love your children… support and train them to become good citizens of the country…make them healthy physically and spiritually.”

Lucky grandfather

May kasabihan na mas mahal ang ‘interes’ kesa sa ‘kapital’ o puhunan. Sa Pilipinas, kasama sa kultura ang sinasabing ‘extended families’. At hindi dito nagtatapos ang papel ng isang tatay.  In fact, hanggang sa mga apo ay katulong na din ang Ama sa paghubog at pagpapalaki.

Sa personal na panayam kay Capt. Rivas, buong pagmamalaki nitong nasambit na, “I am a lucky grandfather”, dahil sa pagkakaroon ng matatalino at smart na mga apo.

Ikinuwento nito na ‘very proud’ siya sa panganay na lalaking apong ngayon ay edad na 8.

“He always tops the class ever since he started going to school. I also send him to piano lessons and I wonder how he can strike the notes without looking at the keys.

“My granddaughter naman, imagine at the age of two, she can already identify and memorize letters of the alphabets and numbers. Yun namang maliit o yung bunso nakakatuwa kasi ang laki. Nagmana sa daughter-in-law ko na malaking babae.”

“They are really my precious ones! I give them what they want, but not spoiling them too much,” sambit pa ng maswerteng lolo.

Mensahe ng Pamilya kay Capt. Rivas:

“Thank you, Papa, for your guidance, support and love. Happy Father’s Day! We love you!”

From Mags, Melinda, Wally, Magsie and Matteo

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply