Full military honors kay Marcos pinalagan

PINALAGAN ng mga militanteng grupo, kabilang na ang mga naging biktima ng human rights violation noong termino ni yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos, na pagkalooban o gawaran ng full military honors ang dating dikdator.

Nabatid na umalma ang mga grupo sa rekomendasyon  ni Bise Presidente Jejomar Binay.

Hindi na sa Libingan ng mga Bayani ihihimlay ang labi ng  dating Pangulo ng bansa kundi sa kanyang bayan ng Batac, Ilocos Norte subalit pagkakaloban ito ng full military honors.

Ayon kay Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Etta Rosales, bakit umano bibigyan ng parangal ang isang “magnanakaw.”

Kaugnay nito, pinag-iisipan umano ni Rosales na magpadala ng sulat kay Binay at sa Malakanyang para i-apela ang naging rekomendasyon.

Kung maaalala, si Binay ang naging abogado o tagapagtanggol din noon ng mga naging biktima ng pang-aabuso noong rehimeng Marcos.

Nabatid na kung hindi mapagbibigyan ang apela ng mga militanteng grupo ay posibleng ilabas na ng  Malakanyang ang desisyon kung tuluyan na bang ilalagak sa Libingan ng mga Bayani si Marcos o sa bayan nito sa Batac kapalit ng pagkakaloob ng military honors bilang dating sundalo at lider ng bansa.

Nabatid sa Malakanyang na pinag-aaralan na nila ang rekomendasyon ni Binay, ngunit ayaw pa nitong magkomento ukol  sa isyung bibigyan ng full military honors si Marcos sa kanyang libing.

Matatandaang ipinaubaya ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang pagdedesisyon kay Binay sa usaping dapat bang pagbigyan ang kahilingan ng pamilya Marcos na ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang dating Pangulo ng bansa. Verlin Ruiz

 

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply