Bagong plunder case vs GMA ikinasa

SINAMPAHAN na naman ngayon, Martes, ng panibagong plunder complaint ni dating Solicitor General Francisco Chavez si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.

Nag-ugat ang reklamo sa umano’y maling paggamit ni Arroyo sa pondo ng gobyerno na aabot sa mahigit P2.3 bilyon.

Sa kanyang 31-pahinang reklamo, partikular na tinukoy ni Chavez ang P728 milyon at P1.59-bilyon na public fund ng Department of Agriculture (DA) na umano’y inaprubahan ni Arroyo para pondohan ang fertilizer program ng gobyerno para sa mga mahihirap na magsasaka.

Pero ayon kay Chavez, nagamit ang nasabing pondo sa kampanya ni Arroyo nang kumandidato siya sa pagka-Pangulo noong 2004.

Bukod kay Arroyo, kasama rin sa mga ipinagharap ng reklamo ni Chavez sina dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante, dating Agriculture Secretary Luis Lorenzo Jr., dating Agriculture Assistant Secretary Ibarra Poliquit,  Budget Undersecretary Mario Relampagos, Budget Director Nora Oliveros at ang mga umano’y “runner” ni Bolante na sina  Jaime Paule, Rose Lingan-Florendo, Leni Aquin at Jane Fabian.

Ito na ang ikalawang plunder complaint na isinampa ni Chavez laban kay dating Pangulong Arroyo sa Department of Justice.

Ang unang reklamo ay ibinatay naman sa umano’y maling paggamit sa pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply