Hulihin si ‘Aling Mely’

PINUPUTAKTI ang Chokepoint ng sumbong tungkol sa naglipanang operasyon ng pergalan (perya at sugalan) sa area ng Region 4A.

Paging C/Supt. Gil Meneses. Sana sensitibo tayo sa ganitong sumbong na ang karamihang nagrereklamo ay mga magulang.

Sa lugar na tinatawag na ‘Crossing’ sa Calamba City, lantaran daw ang operasyon ng ‘puesto pijo’ na pergalan at iba’t ibang uri ng sugal gaya ng beto-beto, kara balls, kalaskas, pula’t puti, skylab at sakla.

Sa Barangay Sirang Lupa, sa lungsod pa rin ng Calamba, ay namamayagpag din ang operasyon ng isa pa ring ‘pergalan’. May nakatayo ring ‘pergalan’ na lantaran at nakabulatlat ang operasyon sa Brgy. Landayan, sa bayan naman ng Biñan.

Pero ang nakapagtataka, walang say, at tila bulag, pipi at bingi si S/Supt. Gilbert Cruz, director ng Laguna Police Office.

Sa  Batangas, matindi ang operasyon ng pergalan sa Brgy. Lumang Lipa, Mataas na Kahoy at Brgy. Bagumbayan, Tanauan City at sa Brgy. San Pedro sa bayan ng Sto. Tomas, pero tila walang alam si Batangas director S/Supt. Rosauro Acio.

Sa San Antonio, Quezon, namamayagpag din ang isa pang pergalan doon, pero dedma lang si Quezon PD S/Supt. Erickson Velasquez.

Ilan lang yan sa naglipanang pergalan sa R-4A na sumasakop sa mga lalawigan ng Laguna, Cavite,  Rizal, Batangas at Quezon na kilala rin sa tawag na Calabarzon area. Isang ‘Aling Mely’ na kilala sa bansag na Perya Queen ng Calabarzon ang operator ng mga ito.

Taon na, ika ng mga nakausap natin, ang mga pergalan ni ‘Aling Mely’, at sa kabila ng mga reklamo,

hindi raw hinuhuli ng awtoridad. Kung ang operasyon ni ‘Aling Mely’ ay ‘di kayang sugpuin nina Col.  Cruz, Col. Acio at Col. Velasquez, aba’y problema yan.

Kaya ang suhestiyon natin kay Gen. Meneses, kailangan siyang makialam – dapat na mahinto ang mga pergalan sa kanyang hurisdiksiyon. Dahil sa principle of command responsibility, siya ang unang masisisi dahil siya ang  pinakamataas na opisyal at commander ng R-4A.

Gen. Meneses, galit si PNoy sa mga nanunungkulan na kumukunsinti ng iligal.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply