Ilang bahagi ng Metro Manila lubog na sa baha

LUBOG na sa baha ang ilang bahagi ng Metro Manila matapos ang ilang araw na pabugso-bugsong buhos ng ulan na dulot ni bagyong Egay.

Halos hindi na madaanan ang mga lansangan sa ilang bahagi ng Metro Manila na nagmistulang ilog na dahil sa taas ng tubig baha.

Pinag-iingat naman ang ilang motorista at publiko sa mga open drainage o manhole upang makaiwas sa anumang aksidente at disgrasya.

Kauganay nito, hindi naman alintana ng ilang mga kabataan ang panganib na dulot ng baha sa kanilang kalusugan. Nagkalat kasi ang mga batang nagtatapisaw at naliligo sa tubig baha sa iba’t ibang lansangan ng Metro Manila.

Sa Manila Bay naman ay malalaki pa rin ang mga alon kahit nakalabas na ang bagyong Egay sa Philippine area of responsibility (PAR).

Gayunman, may mangilan–ngilan ding mga bangka ang nakikipagsapalarang pumalaot.

Samantala, ayon naman sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), makararanas pa rin ng mga kalat-kalat na pag-ulan ang malaking bahagi ng Piliinas lalo na sa Luzon dahil na rin sa hanging habagat na pinag-iibayo ng bagyo.

Patuloy ding binabantayan ng Pagasa ang isa pang namumuong sama ng panahon na nagbabanta sa bansa.

Ito ay tinawag na bagyong “Falcon” kung tuluyang magiging bagyo.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply