Paje: Mga tiwali sa DENR gugulong ang ulo

MATINDING parusa ang aabutin ng sinumang mahuhuli ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na aktibo sa iligal na panghuhuli, pagpatay at pagbebenta ng mga hayop sa karagatan at gubat, pagbabanta ni Environment Secretary Ramon Paje ngayon, Martes.

Ani Paje, hindi siya gaanong makagalaw noong acting secretary pa lamang siya, ngunit ngayong maayos na ang kanyang posisyon ay pagugulungin niya ang mga ulo ng sinumang opisyal o empleyado ng DENR na masasangkot sa illegal poaching o trading.

Makikipagtulungan umano sa kanya ang mga local government unit (LGU) upang matigil na ang mga iligal na gawain na kinasasangkutan ng mga tiwaling tauhan ng kagawaran.

Aniya, personal na hiningi niya ang tulong ng mga local executive upang higpitan ang pagmomonitor ng kanilang 15-kilometer municipal waters, kung saan mayroon silang “exclusive authority” na magpatupad ng environmental laws.

Matatandaang may mga nakumpiskang black corals at iba pang endangered marine species ang Bureau of Customs (BOC) sa Pier 15 sa Maynila noong Mayo 2.

Sinasabing kinuha ang mga kargamento mula sa mga karagatan ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi sa Mindanao.

Gayunman, sinabi ni Paje na matitigil lamang ang illegal marine poaching at wildlife trade kung walang bibili ng mga kargamento.

Sinabi niya, matatagpuan lamang ang karamihan sa mga corals at kabibe sa 15-kilometer municipal water zone, na nasa exclusive jurisdiction ng mga mayor kaya hiningi na rin nila ang tulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang alamin kung aling LGU ang kanilang tututukan.

Ipagbabawal na rin umano ang mga “muru-ami” o maninisid, at sa halip ay babayaran na lamang sila upang magbantay sa mga maninira sa karagatan.

Mahigpit ding ipatutupad ang mga probisyon ng Republic Act (RA) 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, dahil maituturing na mahalagang tahanan ng mga isda ang corals.

Ang RA 9147 ay ginawa para sa konserbasyon at proteksyon ng ilang at kanilang tahanan.

Mas mabigat ang parusa sa RA 9147 kumpara sa RA 8550, o Philippine Fisheries Code of 1998, kung saan pagmumultahin ng P1 milyon ang mahuhuli at makukulong pa ng 12 taon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply