Interes ng depositors ang dapat protektahan ng BSP!

SOBRA- SOBRANG kamalasan na ang inaabot ng mga depositors ng Banco Filipino.

Sa pinakahuling ruling na inilabas ng Court of Appeals (CA) ay ibinasura nito ang petisyon ng Banco Filipino na ituloy ang P25 bilyon financial package na inilatag nito sa Bangko Sentral ng Pilipinas bago pa ito maipasara noong Marso.

Sa siyam na pahinang resolusyon na ibanaba ng Special 10th Division ng CA na sinulat ni Associate Justice Hakim Abdulwahid , sinabi nitong hindi maaring pagbigyan ng korte ang banko sa hiling nito sapagkat “ maari itong makasagabal sa BSP sa pagpapatupad ng regulatory functions nito sa Banco Filipino”.

Idinagdag pa nang ruling na maaari itong magdulot ng malaking kawalang hustisya at matinding dagok sa publiko.

Sa totoo lang ay medyo naguguluhan talaga ako sa ruling na ito at hindi ko din maintindihan ang paliwanag ng CA kung bakit ibinasura nito ang petisyon.

Sa mga hindi abogadong kagaya ko ay hindi importante sa amin kung sino ang mas may katuwirang legal o kung sino ang tama sa pagitan ng BF at BSP.

Ang alam ko lang ay libo-libong mga depositors ng bangko ang pinagkaitan ng karapatan na magamit ang pera na talaga namang pag-aari nila.

Ang naging kasalanan lang nila ay nag-deposito sila sa isang bangko na akala nila ay matatag at puede nilang pagkatiwalaan na paglagakan ng pinaghirapan nilang pera.

Sino man ang manalo sa asunto sa pagitan ng BF at BSP ay hindi importante sa mga depositors.

Ang importante sa kanila ay maibalik lamang ang perang pinaghirapan nila lalo na iyong mga retiradong mga manggagawa gaya ng mga titser, government employees at marami pang ordinaryong tao na ngayon ay nasa balag ng alanganin dahil walang katiyakan kung mababalik pa ba ang pera nila o hindi na.

Kung sinasabi ng Banco Filipino na may bilyon-bilyon pa silang assets eh bakit pinipigilan sila ng BSP na mag-bukas kahit sandal lang? Puede naman iyon di ba Pareng Joel Sy Egco?

Kung mangyayari kasi na mapagbigyan ng BSP ang BF na magbukas muli ay magkakaroon ng pagkakataon ang mga depositors na mabawi o ma-withdraw ang perang inilagak nila doon.

Pero dahil nga matindi ang pagtutol ng BSP na muli itong buksan ay ang mga depositors ang siya ngayong nagdurusa.

Dapat alalahanin ng BSP na higit sa anuman ang dapat nilang protektahan ay ang interes ng mga depositors na siyang naging mga unwitting victims sa problemang ito sa pagitan nila ng Banco Filipino.

Pero sa malas, mukhang ang sariling interes ng BSP ang pino-protektahan nito at hindi ang mga depositors.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply