K+12 idinagdag sa malalaking sakit sa ulo

MAY ilan sa sangkaterbang problema sa Department of Education ang ating napansin kaugnay ng programang K+12.

Bukod ito sa natalakay na natin kahapon na sahod-aliping ibibigay ng DepEd sa mga guro ng Kindergarten.

Namasyal tayo, mga Bro, sa ilang public school sa Metro Manila. Naku, nakaaawa pala talaga ang kalagayan ng maraming bata.

Lalo na ang mga nasa Kindergarten.

Paano naman kasi, kulang na nga ang silid aralan para sa mga Grade 1 hanggang Grade 6, idinagdag pa ang Kindergarten sa mga nasa elementary.

Resulta, hindi basta magkakaroon ng silid-aralan ang napakaraming batang Kinder.

Kung may room naman para sa kanila, wala namang upuan at sa sahig na lang sila pinauupo.

Eh ang lamig-laming ng sementong sahig.

Paano ang kanilang mga damit na marurumihan at paano ang kanilang kalusugan lalo na kung tag-ulan na?

Paano nga naman magkakaroon ng lugar ang mga kinder kung mismong ang mga nasa elementary ay sinasardinas na sa mga classroom na kulang na kulang?

May mga ulat pa ngang nasa 90 bata ang laman ng isang classroom.

At dito naman natin uli bibigyan ng pansin ang K+12.

Sino ang matututo sa 90 estudyante sa iisang room? Eh sa roll call pa lang ay mauubos na ang oras ng isang guro!

Sa laki ng bilang ng mga estudyante, mainit at hindi mai-concentrate ng mga bata ang mag-aral.

Tiyak na mabuburyong din ang mga guro sa dami ng kanilang inihahandang lesson guides at materials, kabilang na ang grade sheets at evaluation sheets.

May mga miting at seminar pa sila lagi.

Sa dami ng pakikisamahan niya na mga estudyante na may iba’t ibang talino, kakayahan, ugali at sakit, hindi lamang madaling mamuti ang bulbol ng mga guro.

Madali rin silang magkakasakit.

At kung magkakasakit ang mga guro, eh, di lalong magkahetot-heto ang edukasyon ng mga kabataan.

Bakit hindi muna maghanda nang husto ang DepEd bago nito simulan at i-full blast ang K+12, kung talagang kinakailangan ito?

Ang isa yatang problema riyan ay utak milyonaryo ang mga nasa DepEd at ang akala nila ay malulutas sa pera ang mga problema na kanila na ring nilikha, gaya ng K+12.

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply