Kagawad binistay ng bala

NABULABOG ang buong Barangay Western Bicutan dahil sa masaklap na sinapit ng kanilang kagawad na binistay ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng mga hindi nakilalang salarin nitong Martes ng hapon, Hunyo 14, sa harap mismo ng pamamahay nito sa Block 38 Lot 9 United SSS Brigade, Barangay Western Bicutan, Taguig City.

Batay sa isinagawang pagsisiyasat ng Investigation Section ng Taguig City Police Station nakilala ang biktimang si Edna R. Pascual, Committee Chairperson ng Land Disputes at kalihim din ng United SS Brigade Neighborhood Association na binaril ng dalawang ulit sa mukha ng riding-in-tandem.

Sinabi ng nakasaksi na brutal na binaril ng mga suspek ang biktima na kabababa pa lamang mula sa sinakyan nitong tricycle.

“Hindi ko sila nakilala dahil nakasoot sila ng helmet at itim na jacket, nakita ko bumaba ‘yung isa sa kanilang motorsiklo tapos narinig kong umalingawngaw ng magkakasunod na putok ng baril,” anang saksi.

Sinabi pa nito na agad siyang nakipag-ugnayan sa barangay upang magpasaklolo na agad namang rumesponde sa pinangyarihan ng krimen upang daluhan ang kanilang sugatang kagawad.

Si Pascual ay mabilis na isinugod sa Taguig-Pateros District Hospital at ng malapatan ng paunang lunas ay dagli rin na inilipat sa St. Luke Medical Center, Fort Bonifacio upang iligtas ang buhay nito.

“Halos alam ng lahat na mabait na kagawad si Pascual, wala kaming alam na nakagalit o nakaaway niya,” anang mga kawani ng Barangay Western Bicutan.

 Habang sinusulat ang balitang ito ay sinisikap ng mga manggagamot na mailigtas ang buhay ng biktima. Puspusan naman ang ginagawang hakbang ng mga elemento ng Intelligence at Investigation Section ng Taguig City Police Station upang matukoy at matunton ang mga salarin. PP Corpus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply