Kagawad utas sa riding-in-tandem

NABULABOG ang buong Barangay Western Bicutan dahil sa masaklap na sinapit ng kanilang kagawad na binistay ng bala sa mukha ng mga hindi nakilalang salarin noong Martes ng hapon, Hunyo 14, sa harap mismo ng pamamahay nito sa Block 38 Lot 9 United SSS Brigade, Barangay Western Bicutan, Taguig City.

Batay sa isinagawang pagsisiyasat ng Taguig City Police Investigation Section nakilala ang biktimang si Edna R. Pascual, committee chairperson ng Land Disputes at kalihim din ng United SS Brigade Neighborhood Association na pinagbabaril ng dalawang ulit sa mukha ng armadong riding-in-tandem.

Sinabi ng nakasaksi na kabababa pa lamang ng kagawad mula sa sinakyan nitong tricycle ng brutal itong paslangin sa harap mismo ng pamamahay nito.

“Hindi ko sila nakilala dahil nakasoot sila ng helmet at itim na jacket, nakita ko bumaba ‘yung isa sa kanilang motorsiklo tapos narinig kong umalingawngaw ng magkakasunod na putok ng baril,” ayon sa nakasaksi sa krimen.

Sinabi pa nito na agad siyang nakipag-ugnayan sa barangay upang magpasaklolo na agad namang tumungo sa pinangyarihan ng krimen upang daluhan ang kanilang sugatang kagawad.

Si Pascual ay mabilis na isinugod sa Taguig-Pateros District Hospital at ng malapatan ng paunang lunas ay dagli rin na inilipat sa St. Luke Medical Center, Fort Bonifacio upang iligtas ang buhay.

Subalit binawian din ng buhay ang biktima dakong 5:56 ng medaling araw ng Miyerkules, Hunyo 15.

“Halos alam ng lahat na mabait na kagawad si Pascual, wala kaming alam na nakagalit o nakaaway niya,” anang mga kawani ng Barangay Western Bicutan.

Samantala natagpuan naman ng mga awtoridad sa isinagawa nitong follow-up operations ang isang Euro motorcycle color black with plate for registration na nakahimpil sa Habitat Compound, FTI Complex, Barangay Western Bicutan ng nabanggit na lungsod na sinasabing tumugma sa pagsasalarawan ng saksi.

Isasailalim sa autopsy ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang bangkay ng biktima habang puspusan naman ang ginagawang hakbang ng mga elemento ng Intelligence at Investigation Section ng Taguig City Police Station na matukoy at mahuli ang mga salarin. PP Corpus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply